
STANLEY
Ni: Arvin U. de la Peña
Wala na raw si Stanley. Hu hu hu hu, halos himatayin ako sa pag-iyak ng marinig ko iyon mula sa tawag sa telepono. Ang mahal kong si Stanley patay na raw. Agad ay umuwi ako mula sa trabaho para matingnan si Stanley. Habang sakay ng taxi ay di ko mapigilan ang di lumuha. Paano?, si Stanley lang ang madalas kasama ko sa buhay at nagpapasaya kahit na ganun siya. Kapag wala akong trabaho siya ang kalaro ko. At sa pagkain ay halos sabay kaming kumain. Siya ang napagsasabihan ko kapag ako ay may problema sa buhay. Siya rin ang sinasabihan ko para sa mga plano ko sa buhay. Sa kanya ko ibinubulong ang nais kong sabihin sa buhay.
Wala na nga si Stanley. Habang papalapit ako sa bangkay niya ay parang gusto ko na rin na sumama sa kanya. Para sabay kaming dalawa na mamaalam sa mundo. "Bakit nangyari ito sa kanya?. Tanong ko sa aming katulong sa bahay. "Nasagasaan po ng makalabas sa gate dahil naiwan na bukas." Ang mahinahon na sagot ng aming katulong. Parang gusto ko na palayasin ang aming katulong sa sinabi niya dahil sa kanila na rin kapabayaan. Pero hindi ko iyon nagawa. Iyak na lang ako ng iyak sa nangyari.
Habang naghuhukay na para ilibing si Stanley ay naiisip ko ang mga magandang alaala na naiwan niya sa akin. Ang mga paghahabulan namin, ang paliligo sa dagat at ang pagsakay din niya ng eroplano o bus kapag ako ay bumibiyahe sa ibang lugar dahil na rin sa trabaho ko. Sayang at hindi ko na siya makikita at makakasama pa.Nang mailibing na si Stanley agad ay nasabi ko na sana kahit sa panaginip muli ay makasama ko siya. Muli kahit sa panaginip ay pasayahin niya ako.
Iniwan ako ng mahal kong aso na si Stanley.Pero kahit na wala na siya ay naniniwala ako na balang araw ay makakatagpo ako ng katulad niya. Kung kailan iyon ang hindi ko alam. Ngunit hanggang hindi pa naghihilom ang sugat sa puso ng mawala si Stanley ay hindi pa muna ako maghahanap ng kapalit niya. Dahil para sa akin nag-iisa lang si Stanley sa mundo.
No comments:
Post a Comment