Tuesday, October 7, 2008

Japayuki

JAPAYUKI
Ni: Arvin U. de la Peña

Si Nicole ay isa kong kababata. Katulad niya rin ako na nakatira sa squatter area. Ulila na siya sa ama. Ang mama niya naman ay sa Japan nagtratrabaho. Bata pa lang kami ay kaming dalawa na ang magkasundo sa lahat ng bagay. Sa paglalaro naman kaming dalawa ay laging magkakampi. Kung mayroon siyang kaaway kinakampihan ko siya. Gayundin siya sa akin. Kahit sabihin pa na kami ang may kasalanan nagkakampihan pa rin kami. Pagdating naman sa problema kami ay nagtutulungan.

Kaya nga ng isama siya ng kanyang mama pagkatapos namin ng high school ay nalungkot ako. Kasi mawawala pansamantala ang matalik kong kaibigan. Nang lumipad na nga ang eroplano na sinakyan nila sa paghatid ko sa airport ay di ko napigilan ang hindi lumuha.Hanggan sa pag-uwi ko sa amin ramdam ko pa rin ang lungkot ng pag-alis ni Nicole. At sa isipan ko inaalala ang mga sandali na kami ay magkasama.Nawala lang ang kalungkutan ko ng ako ay ipasok ng nanay ko sa isang malaking tindahan bilang tindera. Wala raw silang pera na ipagpapaaral sa akin sa kolehiyo kaya mabuti pang magtindera na lang muna ako. Para sakali ay makapag-ipon ako ng pera.

At paglipas pa ng dalawang taon bilang tindera ay nagpasya ako na mag-aral na sa kolehiyo. Nasa pangatlong taon ako sa kolehiyo ng umuwi si Nicole galing sa Japan. Tuwang-tuwa ako ng malaman ko talaga iyon.Agad nga kinagabihan ay pumunta ako sa kanila.Ngunit ang ikinabigla ko ay ng di man lang niya ako pinansin masyado. Pinapasok niya lang ako at pinaupo. Mas binigyan niya ng pansin ang dalawa rin naming kababata na sa club nagtratrabaho dito sa Maynila. Nasa isang upuan lang ako at pinagmamasdan lang sila na nag-uusap. Nagtatawanan pa sila kung minsan. At pagkalipas pa ng halos isang oras na ganun pa rin ang kalagayan ko ay nagpasya ako na magpaalam na. Nasa isip ko na lamang na baka may mahalaga lang silang pinag-uusapan.

Kinabukasan umaga pa lang ay pinuntahan ko na siya sa kanila. Nasa mesa siya at kumakain. Pinasabay lang niya ako sa pagkain tapos ay wala na. Kung humihiling ako sa kanya na magkuwento naman tungkol sa buhay niya sa Japan hindi siya sumasagot. At ng yayain ko na mamasyal kami ay umayaw rin. Ngunit ng dumating sina Tina at Jean na ang trabaho ay sa club at nagyaya kay Nicole na mamasyal ay pumayag siya. Pumasok agad sa isip ko siguro ayaw na ni Nicole na makipagkaibigan sa akin.Nasa isang tindahan ako kinagabihan ng makita ko sina Nicole, Tina, at Jean na magkakasama. Masyadong seksi ang suot nilang damit.

Agad ay nagbalak ako na sundan sila. Dahil masama ang kutob ko na sa club ang punta nila. At hindi nga ako nagkamali dahil sa club nga sila pumunta. Agad sa isipan ko ay bakit ganun na si Nicole? Eh! noong bata pa kami ay galit siya sa mga tao na ang trabaho ay sa club. Pero bakit ngayon ay nandoon siya?Pag-uwi ko sa amin nasa pintuan pa lang ako ay narinig ko na nag-uusap sina Inay at Itay. Akma na akong papasok ng bigla akong mapatigil dahil naring ko na si Nicole ay tumulad din pala sa mama niya na naging Japayuki. Higit akong nabigla ng marinig ko na hindi lang pagbabakasyon ang iniuwi ni Nicole kundi para rin makalikom ng pera sa mga magiging kustomer niya sa club.

Pagpasok ko ay diretso agad ako sa kuwarto. Hindi nila alam na narinig ko ang pag-uusap nila tungkol kay Nicole. Paghiga ko agad ay nanghihinayang ako para kay Nicole kung bakit naging ganun ang trabaho niya.Iyon siguro ang dahilan kung bakit ayaw na ni Nicole na mapalapit ako sa kanya. Dahil baka pagsabihan ko siya tungkol sa uri ng trabaho niya o di kaya mahikayat niya ako na tumulad sa kanya.

No comments: