Bangon Pinoy,Bangon Pilipinas
Ni: Arvin U. de la Peña
Halos wala ng murang bilihin ngayon. Lahat ay halos puro na mataas ang halaga. Ang mga mahihirap na kaunti lang ang kinikitang pera sa bawat araw ay lalong nagsisikip ang bulsa sa pagbili. Hindi na sila makabili ng marami o kaya ng kanilang gusto dahil mahal na nga ang bilihin. At ang kanilang sinisisi kung bakit nagtataasan ang presyo ng mga bilihin ay ang kasalukuyang administrasyon.Kasalukuyang administrasyon.
Tama ba na iyon ang sisihin? Tama ba na iyon ang pagbintangan? Sa tingin ko hindi. Ang dapat na sisihin at pagbintangan kung bakit nagtataasan ang mga bilihin ay ang mga tao na nakatira dito sa Pilipinas. Bakit ang mga tao? Eh, kasi ang mga tao ang siyang dapat na gumawa ng hakbang para maging competitive ang bansa. Eh, ano ang ginagawa ng mga tao dito sa Pilipinas? Lalo nilang pinalulubog ang Pilipinas. Lalo nilang sinisira ang imahe ng Pilipinas sa ibang bansa. Dahilan para mailang ang mga tao sa ibang bansa na magnegosyo at manirahan sa Pilipinas.
Sa mga tao na ordinaryong mamamayan. Away dito, away doon. Patayan dito, patayan doon. Holdap dito, holdap doon. Nakaw dito, nakaw doon. Snatch dito, snatch doon. Agaw cellphone dito, agaw cellphone doon. Saksak dito, saksak doon. Rape dito, rape doon. Barilan dito, barilan doon.Sa mga tao naman na nasa showbiz. Intriga dito, intriga doon. Paninira dito, paninira doon. Tsismis dito, tsismis doon.Sa mga tao naman na pulis, sundalo o kaya militar. Kotong dito, kotong doon. Salvage dito, salvage doon. Huli kahit walang kasalanan dito, huli kahit walang kasalanan doon.
At sa mga tao naman na nasa gobyerno. Kurakot dito, kurakot doon. Agaw puwesto dito, agaw puwesto, doon. Waldas dito, waldas doon. Tanggal dito, tanggal doon.Halos iyon na lang palagi ang laman ng pahayagan sa bawat araw. Parehong balita sa nakaraang araw pero iba namang tao ang sangkot. Kaya wala talagang gana ang bawat araw sa Pilipinas. Natatakot ang ibang mga tao na baka sa susunod na mga araw ay siya naman ang maging biktima.Naaalala ko tuloy ang sinabi ng kaibigan kong si Manilyn. “Mas mabuti pa kung ika’y bata. Wala kang nararamdaman kung ano talaga ang nangyayari. Kain at tulog. Laro at pahinga, iyon palagi. Pero ngayong malaki na hindi na dapat. Namulat na kasi ang ating isip sa katotohanan.
Ang dapat ay gumawa ka ng hakbang para ikaw ay mabuhay at di na lagi umasa sa mga magulang. At mas maganda talaga kung sa Amerika magtrabaho at manirahan para di ka talaga mag-aalala sa sarili mo”.Bakit hindi na lang magmahalan ang bawat tao sa Pilipinas? Bakit hindi na lang magkaisa? Bakit hindi itigil ang pagkainggit sa kapwa? Bakit hindi itigil ang pagkagahaman sa kayamanan? Bakit hindi itigil ang pagkasakim? Bakit hindi itigil ang pagtangkilik sa produkto ng ibang bansa? Bakit hindi natin kayang tangkilikin ang sariling atin na produkto? Produkto ng mga Pilipino. Para ang bansang Pilipinas ay umunlad. Nang sa ganun ay bumaba ang halaga ng mga bilihin at bumalik ang tiwala ng mga dayuhan sa ating bansa.
Mahirap ba ‘yun? Hindi naman siguro. Nakakatakot isipin na kapag laging ganito at lumipas pa ang sampung taon. Baka ang isang piso mo kahit na candy ay hindi ka na makakabili. Paano pa kung sa panahon na iyon ay maliit lang ang kita mo sa bawat araw o di kaya wala ka pang pinagkakakitaan.Masakit sa ulo, di ba? Kaya hindi dapat na sisihin ang kasalukuyang administrasyon at kahit pa ang nakaraang administrasyon sa pagtaas ng halaga ng mga bilihin. Tayong mga Pilipino ang dapat na sisihin.Magbago na tayo. Itigil na natin ang ating nakaugalian na labag sa batas, labag sa konstitusyon, at labag sa magandang asal. Nang sa gayon ay bumangon sa kahirapan ang ating bansa.
Bangon Pinoy, Bangon Pilipinas. Hindi pa huli ang lahat. Matuto na tayo para bumalik sa mura ang mga bilihin. Hindi lang naman ito para sa atin na kasalukuyang nabubuhay. Kundi para sa susunod pang mga Pilipino na isisilang.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment