KATANUNGAN
Ni: Arvin U. de la Peña
Marami-rami na ring lugar ang aking napuntahan. Habang sakay ng bus o jeep nakikita ko ang iba't-ibang uri ng pamumuhay ng tao. May nagtitinda sa gilid ng kalsada, may naglalako ng diyaryo, nagbebenta ng mga candy o ano pa. Ang iba naman ay nagpapalimos. Magkaroon lang talaga ng pantawid gutom kahit anong trabaho ay pinapasukan kahit masakit sa kalooban. Gustuhin man nila na ibang trabaho naman hindi nila nagagawa dahil iyon lang ang alam nila para sila ay mabuhay.
Minsan habang sakay ako ng bus ay may sumakay na mag-asawa. Halos ang kanilang edad nasa twenty-five. May isa silang anak na siguro mga isang taon na. At mayroon din silang dala na malaking bag. Na kung hindi ako nagkakamali mga gamit nila ang nasa loob. Sa unahan ng inuupuan ko sila umupo. Kaya dinig na dinig ko ang kanilang pinag-uusapan. Noong una hindi ako interesado sa pinag-uusapan nila. Sa halip ay nakatingin lang ako sa labas ng bintana. At iniisip ang mga nangyayari sa buhay ko. Kahit paano ay mayroon akong permamente na trabaho.Sa di ko inaasahan bigla kong narinig na sinabi ng lalaki na "paano na ito ngayon, pinalayas na tayo sa bahay ng mama mo?".
Doon ay bigla akong nagka-interes na makinig sa pag-uusap nila. Nalaman ko na kaya sila pinalayas ay dahil nagkaroon ng alitan ang babae at ang mama niya. Nalaman ko rin na si babae ay walang trabaho at umaasa lang sa magulang. At si lalaki naman may trabaho pero di gaanong malaki ang suweldo. Natanong ko sa sarili, "paano na ngayon sila?". Mabuti kung nandoon pa sa bahay ng babae kasi kahit paano nalilibre ng kaunti kasi may ikinabubuhay naman ang pamilya ng babae. Ngayon na wala na sila doon ay uupa na sila ng bahay at lahat ng makakain nila o gatas ng bata ay perang pinaghirapan na ng lalaki. Di naman daw sila puwede umuwi sa lugar ng lalaki dahil walang magiging trabaho doon ang lalaki.
Bigla ay umiyak ang bata na karga ng lalaki. Doon natanong ko uli sa sarili, "ano kaya ang buhay na naghihintay sa batang ito paglaki niya?" May maganda kaya siyang buhay sa hinaharap? O matutulad din siya sa ibang mga bata na paglaki di naging maganda ang kapalaran. Sa di inaasahan bigla ay nagpapara ang lalaki para sila ay bumaba na. Napakadami ng katanungan tungkol sa mga bata na di muna nasasagot dahil sa paiba-iba ang takbo ng panahon. Kung ngayon ay naghihirap ang isang tao, baka sa susunod na buwan o taon ay hindi na. Kung ngayon ay hindi naghihirap ang isang tao, baka sa susunod na buwan o taon ay maghirap na.
Wala talagang kasiguraduhan ang kaginhawaan sa buhay. Sabi nga ng iba mas mabuti pang laging bata kasi di gaanong nararamdaman ang mga problema. Pero imposible naman iyon na mangyari na laging bata lang. Kahit walang gaanong kainin ang isang bata ay lalaki pa rin iyon paglipas ng taon.Buti na lang ako hindi ko naranasan ang magpalaboy-laboy sa kalsada. Kung hindi baka wala ako ngayon sa kinalalagyan ko.
Pero paano nga pala ang nabuntis kong kasintahan noong ako ay nag-aaral pa sa kolehiyo apat na taon na ang nakakaraan na ang babae ay umuwi na lang sa kanilang probinsya dahil hindi ko pa kayang maging isang ama? Paano na kaya ang buhay niya ngayon? Hinahanap kaya niya ang kanyang ama? O baka mayroon na siyang ibang ama. Mahirap sagutin ang katanungan ko tungkol sa bata. Pero alam ko at nararamdaman ko na hindi siya pababayaan ng kanyang ina. Hindi siya pababayaan ng minsan kong minahal na si Anna Madelle. At alam ko darating ang tamang panahon na muli kaming magkikita, kasama ang naging anak ko sa kanya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment