Friday, October 10, 2008

Eleksyon Na Naman

ELEKSYON NA NAMAN
Ni: Arvin U. de la Peña

Parang kailan lang ang tatlong -taon na nagdaan. Heto, eleksyon na naman. Muli na naman na natin maririnig sa mga pulitiko ang mga matatamis na salita. Mga salita na kung may matupad man siguro kaunti lang. Minsan pa nga walang natutupad.Naaalala ko nga ang mga pangako ng isang pulitiko. Kapag siya raw ang nanalo ipapatigil niya ang mga pasugalan, magkakaroon lagi ng curfew para maiwasan ng mga kabataan ang gumala sa gabi, at ang droga sisiguraduhin niya raw na walang makakapasok sa lugar.

Puro ka pangako lagi namang napapako. Iyan ang nasabi ko para sa pulitiko pagkalipas ng anim na buwan dahil nanalo siya. Bakit may pasugalan pa rin? Dahilan para ang pera na kinikita na dapat para sa pamilya ay sa sugal lang napupunta. Bakit ang curfew apat na beses lang nangyari? Dahilan para gumala na ulit sa gabi ang mga kabataan na para sa kanila ay delikado. At bakit may droga pa rin? Dahilan para dumami pa ang malulong sa bawal na gamot at dumami pa ang mga adik. Kasi hindi nababawasan ang adik sa halip dumarami.

Kaya ngayon na eleksyon di ko na siya iboboto.Sa mga katulad ko na botante. Sana ang iboto niyo ngayong eleksyon iyong karapat-dapat talaga. Huwag masyadong magtiwala sa pangako. Dahil ang pangako paraan lang iyon para sila ay hangaan kahit na hindi dapat.Ang may tunay na layunin at adhikain para sa ikabubuti at ikauunlad ng bayan ang dapat na iboto.

No comments: