Wednesday, October 8, 2008

Istambay

ISTAMBAY
Ni: Arvin U. de la Peña

Matagal na rin akong ganito. Palakad-lakad lang sa kalye. At kung may nakikita na dapat pagkaabalahan doon ay gumugugol ng ilang oras. At pagkatapos punta naman sa iba na paglilibangan.

Halos ganun na lang palagi sa bawat araw. Uuwi sa bahay pag gusto ng kumain o di kaya sa restoran ay kakain. Pagkatapos ay babalik na naman sa paglilipasan ng oras. Kahit na pinagsasabihan pa ako ng aking mga kaibigan at magulang na mag-iba na ako ng lifestyle ay hindi ko sila sinusunod. Kahit na alam ko na may qualification ako para sa pagtrabaho. Basta ito ang gusto ko “happy go lucky guy”, ika nga.

Kapag nakikita ko naman ang mga naging kaklase ko na nakauniporme para sa pagpasok sa trabaho ay nasasabi ko sa sarili na sana ay tumagal sila sa trabaho na pinasukan nila. Para sila ay makaipon ng pera at umasenso. Lagi ko iyon nasasabi sa aking sarili. Mas gusto o pa na guminhawa ang buhay nila. Kailanman ay hindi ako nainggit sa kanila na sila ay pumapasok sa trabaho at mayroong tinatanggap na sahod.

Dahil para sa akin sapat na ang ganito kong buhay. Kahit istambay lang nakakaraos naman sa bawat araw. Hindi ako naghahangad na yumaman o di kaya ay magkaroon ng maraming pera dahil sa tabaho. Masaya para sa akin ang ganitong uri ng buhay. Ang diploma na aking natanggap sa pag-aaral ay di ako nanghihinayang na hindi iyon nagamit. Kahit na ba bago ko iyon nakuha ay marami munang pagsubok ang aking nadaanan. Ang paggising ng maaga para maghanda sa pagpasok sa paaralan at ang pagbabasa na umaabot ng hating-gabi. Ilan lang iyon.

Kung kailan ako laging ganito, istambay lang. Hindi ko alam. Siguro hangga’t hindi ako nagsasawa. O di kaya baka kung magkaroon na ako ng asawa at magkaroon ng anak ay mag-iba na ang pananaw ko sa buhay. Basta sa ngayon masaya ako bilang istambay.

No comments: