Friday, October 10, 2008

Huling El Bimbo

HULING EL BIMBO
Ni: Arvin U. de la Peña

Katulad pa rin ng mga nagdaang araw si Carlo ay madalas sa tapat ng bahay nila, naggigitara. Kapag may dumaraan na mga kilala niya ay kanya itong papansinin at minsan nakikipagkuwentuhan. Dati ay hindi ganun si Carlo. Dahil siya iyong tipo ng tao na sa pagkakaalam ko hindi gusto na nandoon lagi sa bahay nila. Kapag walang pasok sa paaralan ay sa mga barkada niya siya lagi nakikihalubilo. At uuwi sa bahay nila kapag gabi na.

Minsan si Carlo ay nilapitan ko. Papalapit pa lang ako ay nginingitian na niya ako. Paano, ay siya iyong madalas kong kalaro noong bata pa ako na mahilig akong dayain. Madalas pa niya akong biruin at kulitin. Higit sa lahat mahilig siyang magpatawa. May pagkainis nga akong nararamdaman sa kanya.Habang nag-uusap kami halata sa mukha niya ang lungkot. Para bang walang sigla ang buhay niya. Hindi katulad dati na kapag nag-uusap kami ay masaya talaga siya at nagpapatawa pa. Nang tanungin ko siya bakit ganyan siya ngayon ay sinabi niya na pag-ibig ang dahilan.

Nabigo raw siya sa babae na tibok ng puso niya. Mahirap daw na limutin ang babaing iyon.Gusto kong tanungin kung sino ang babae pero hindi ko magawa. Pansin ko sa mga mata na gusto niyang lumuha habang kausap ako, pero hindi niya nagawa. Pinigil niya ang pagpatak ng luha.Pag-uwi ko sa amin ay awang-awa ako kay Carlo. Kasi parang nawalan ng halaga ang buhay niya ng dahil lang sa babae. Palaisipan pa rin sa akin kung sino ang babae na tinutukoy niya. Bigla, isang gabi ay idinaos ang paligsahan ng pag-awit na matagal na ring inanunsiyo.

Napakarami ng tao ang naroon ng pumunta ako sa pagdadausan ng patimpalak. Malaking halaga kasi ang premyo kaya maraming tao ang nanonood para alamin kung sino ang magwawagi.Ilang sandali nga lang ay inumpisahan na ang paligsahan. Ang mga tao ay nakikinig talaga sa umaawit at minsan ay humihiyaw pa. Palakpakan naman kapag natatapos na sa pagkanta ang isang kalahok. Sa di inaasahan ay nabigla ako dahil narinig ko na kasali daw si Carlo. Pumasok agad sa isip ko, ano kaya ang aawitin ni Carlo at bakit sumali siya.?

Pag-akyat palang ni Carlo sa entablado ay di mapigilan ang hiyaw at palakpak ng mga tao. Kung bakit?, iyon ay dahil si Carlo ay kilala sa aming lugar. Ngunit ng umpisahan na niya ang pag-awit ay tumigil ang mga tao sa hiyaw at palakpak. Tiningnan at pinakinggan talaga nila ng mabuti ang ginagawang pag-awit ni Carlo. Habang tumatagal ang pag-awit ni Carlo ay lalo siyang ginaganahan. Gandang-ganda talaga siya sa pag-awit. Kitang-kita sa mukha niya ang kasiyahan na nadarama.

Ngunit ng patapos na ang kanta bigla ay may tumulong luha sa kanyang mga mata. Lalo na ng binalikan uli sa pag-awit ang koro ng kanta."Magkahawak ang ating kamay At walang kamalay-malay Na tinuruan mo ang puso ko na umibig ng tunay" Kita talaga sa mga mata ni Carlo ang pagluha. Ang maganda ay hindi niya hinayaan ang sarili na magkamali. At ng matapos na ang pag-awit niya ay palakpakan uli ang mga tao. At si Carlo habang bumababa ng entablado ay bakas sa mukha niya na malungkot talaga siya.Habang inaanunsiyo na kung sino ang mananalo sa sampu na kalahok ay di mapakali ang mga tao dahil halos lahat na sumali ay magagaling. Tinawag ang pang pangatlo na nagwagi. Gayundin ang pang pangalawa.

Palaisipan ang mga tao kung sino ang mananalo. Nang iaanunsiyo na talaga kung sino ang magwawagi ang mga tao ay di na mapakali. At bigla ay pangalan ni Carlo ang binigkas na siyang nanalo. Palakpakan at hiyawan agad ang mga tao. Nang tinanggap na ang tropeo at premyo na napanalunan ni Carlo, bigla ay nagsalita siya sa mikropono na ang tagumpay niya ay inihahandog niya sa babaing mahal na mahal niya ngunit di siya mahal na ang pangalan ay Magnolia.

Na touch ang mga tao sa sinabi niya kasali na rin ako dahil nagkaroon na rin ng kasagutan kung sino ang babae na nagpalungkot sa kanya.Si Magnolia pala ang nagbigo sa buhay pag-ibig ni Carlo. Si Magnolia pala na isa ko ring kababata.

No comments: