Thursday, October 9, 2008

Naglahong Diploma

NAGLAHONG DIPLOMA
Ni: Arvin U. de la Pena

Malapit na naman ang pasukan. Sigurado ako na masayang-masaya na naman ang mga estudyante na papasok sa paaralan. Nakauniporme at bagong ligo pag pumupunta na sa paaralan. Ang paggising sa umaga para maghanda sa pagpasok ay balewala lang dahil nasusuklian naman sa kasiyahan na nadarama sa paaralan. Lalong-lalo na pag nakikita na ang mga kaibigan. Nagkukuwentuhan, nagtatawanan, nagbibiruan, at kung minsan ay naghahabulan pa.Pero ako ay heto, hanggan pangarap na lang yata ang makapag-aral pa.

Hindi na siguro mangyayari sa akin na makagawa pa ng takdang-aralin. Lalong-lalo na ang paghawak ng libro at babasahin sa harap ng guro at mga kaklase.Dalawa lang kaming magkapatid. Ako ang panganay at ang bunso ko naman ay tatlong taon gulang pa lamang. Mga magulang ko ay walang permamenteng trabaho. Ang nanay ko minsan may kumukuha para maglaba ng mga maruming damit. At ang tatay ko naman konduktor ng pampasaherong jeep.

Kapag hindi bumibiyahe ang jeep walang trabaho si Itay.Nang makatapos ako ng Grade 5 napakasaya ko. Kasi pag ako ay Grade 6 na nakakasiguro ako na makakatanggap ako ng diploma. Na kailanman ang mga magulang ko ay hindi nagkaroon ng diploma. Kaya nga pinagsisikapan ko ang pag-aaral para sakali ako ay makatanggap ng hindi natanggap ng mga magulang ko. Ngunit kung hindi para sa'yo ang isang bagay hindi talaga mapupunta sa'yo.Akala ko ng isang umaga at pinagbihis ako ng nanay ay para kami pumunta sa paaralan at ako ay ipaenroll. Hindi pala dahil dinala ako sa kumare niya para tumulong ako sa pag-aasikaso ng mga paninda sa palengke. Para daw makatulong na ako sa pamilya. Dahil hindi sapat ang kinikita nila para sa pang araw-araw na pangagailangan namin.

Magtrabaho na daw ako.Gustuhin ko man na tumanggi kasi maglalaho ang diploma kong hangad hindi ko magawa. Hindi ko kaya na suwayin si Inay. Marahil tama siya na kailangan kahit kaunti ay kumita na ako ng pera para makatulong sa aming pamilya. Marahil tama din siya na kahit ako ay makatapos ng Grade 6 hindi nila ako kayang papag-aralin sa hayskul. Masasayang din lang daw ang pagtatapos ko ng elementarya kong hindi ako mag-aaral sa hayskul.Kaya ngayong pasukan na darating mamimiss ko talaga ang pag-aaral. At ang diploma na hinahangad ko na makamit sana balang araw makuha ko iyon.

Kung hindi man sana managinip na lang ako na tinanggap ko na iyon para kahit sa panaginip maramdaman ko ang kasiyahan ng may tinanggap na diploma.

No comments: