Si Emmanuel
Ni: Arvin U. de la Peña
Madalas lagi si Emmanuel sa bilyaran. Iyon ang kanyang tambayan na nasa kanto. Minsan lamang siya kung maglaro. Ang sadya niya lang doon ay masilayan ang kagandahan ni Catherine na tapos na sa kolehiyo.Si Catherine ay isa niyang kababata na mayaman. Noong mga bata pa sila ay doon sa bahay ni Catherine sila lagi naglalaro. Palibhasa mayaman kapag natatapos na silang maglaro at pagod na ay binibigyan sila ng meryenda ng katulong. Dahil sila ay musmos pang mga bata noon ay wala silang malisya kung maglaro man sila na minsan ay nahuhubaran.
Natigil lamang ang madalas nilang paglalaro kasama ng iba pang mga kaibigan ng magpasya ang magulang ni Catherine na sa Maynila siya papag-aralin ng high school at college. Masakit man sa kalooban na di na niya makikita at makakalaro si Catherine ng matagal ay tinanggap niya. Batid na niya kasi na iyon ang mangyayari dahil mayaman nga sina Catherine.Kapag umuuwi si Catherine tuwing Disyembre at summer ay doon lang ulit sila nagkikita kasama ng iba pang mga kaibigan. Palibhasa nasa high school na minsan ay tungkol naman sa kanilang crush ang kanilang pinag-uusapan. At kapag naririnig ni Emmanuel na ang crush ni Catherine ay ang kaklase niya sa Maynila ay nasasaktan siya. May pagseselos sa puso niya.
Gustuhin man niya na sabihin kay Catherine na siya ang crush niya ay hindi niya magawa. Natotorpe siya kay Catherine. Tumatawa na lamang siya kapag tinatanong siya kung sino ang crush niya o di kaya minsan sinasabi niya na wala pa siyang crush. Tinatago na lamang niya ang nararamdaman kay Catherine, dahil sa tingin niya hindi siya nababagay dahil sa mayaman sina Catherine at sila ay mahirap lang.Minsan isang araw habang nagpapahinga siya sa bahay nila ay pinuntahan siya ng kaibigan nilang si Dave. Akala niya ay kung ano lang ang pag-uusapan nila. Iyon pala ay para lang ibalita na ang kababata nilang si Catherine ay ikakasal. At sila na mga kababata ay iniimbitahan na dumalo. Ang mapapangasawa raw ni Catherine ay taga Maynila.
Sa pag-alis ni Dave bigla lungkot ang kanyang naramdaman. Paano?, ikakasal na ang babae na tibok ng puso niya ngunit kahit minsan hindi man lang naipahiwatig ang nararamdaman. May pagsisisi man sa kanya ay hiling na lang niya na sana lumigaya si Catherine sa piling ng kanyang mapapangasawa.Dalawang araw bago ang kasal ni Catherine ay inimbitahan silang mga kababata sa bahay ni Catherine para kumain at magkuwentuhan. Doon ay pinag-usapan nila ang mga nakaraan at ang mga pagbabago na sa buhay.Sa isang sandali na si Catherine ay pumunta sa kusina ay sinundan niya ito. Doon ay kanyang sinabi na sana lumigaya siya ng husto ngayong magkakaroon na siya ng asawa.
Ngunit ang ikinabigla ni Emmanuel ay ng magsalita si Catherine na, " Alam mo Emmanuel noong ako ay bata pa at nagdalaga ay ikaw ang gusto ko. Hinihintay ko nga na ligawan mo ako kaso ay hindi mo ginawa. Ang pagsasabi ko noon na ang crush ko ay ang kaklase ko sa Maynila ay hindi iyon totoo. Sinasabi ko lang iyon baka sakali magkaroon ka ng lakas ng loob na magsabi sa akin ng iyong nararamdaman. Kaya ito, ng ligawan ako ni Jeffrey na aking mapapangasawa ay natutuhan ko siyang mahalin."Pagkatapos nilang mag-usap ni Catherine ay may pagsisisi si Emmanuel kung bakit di niya niligawan si Catherine kahit na ito ay mayaman.
At sa araw ng kasal ni Catherine habang ito ay nakaupo at katabi si Jeffrey sa harap ng altar ay di niya naiwasan ang hindi mapaluha.Tunay na dapat kahit na mayaman pa ang iyong gusto di dapat na mag-alinlangan sa pagpapahiwatig ng nararamdaman.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment