Tuesday, October 7, 2008

Hinanakit Ng Pinalaglag

HINANAKIT NG PINALAGLAG
Ni: Arvin U. de la Peña

Kaytamis ng inyong pagmamahalan. Sweet kayo lagi sa isa't isa. Kapag kayo ay magkasama nais niyo talaga ay di na maghiwalay. Lalo na kapag nagkakasarilinan. Pangako sa bawat isa kaysarap pakinggan. Habang gumagawa kayo ng hakbang na maaaring mabuo ako para bang handa na kayo na maging anak ako. Para bang handa na kayo na maging magulang habang nagtatampisaw sa kaligayahan. Hindi niyo man lang talaga iniisip na kapag nagbunga ang dagta ng inyong pagmamahalan may responsibilidad na kayo kahit na kayo ay responsibilidad pa ng inyong mga magulang.

Ngayon buo na ako. Sanggol na ako na maituturing sa sinapupunan. Umaasa ako na pagkatapos pa ng ilang buwan makikita ko na ang mundo ng mga tao. Higit sa lahat umaasa ako na makikita ko ang dalawang tao na nagmahalan na bumuo sa akin. Para pasalamatan kahit sa isip pa lamang.Huh!, ano ito? Bakit hinihila ako palabas? Ayoko!, ayoko! hindi pa ito ang tamang araw para ko makita ang liwanag ng mundo. Maawa ka naman sa akin.

Masakit ang iyong ginagawa sa akin, masakit!. Tigilan mo na ang ginagawa mo, parang awa mo na!Patay na ba ako? Bakit nasa isang supot na ako ng plastik? Hindi na ako nasa loob ng sinapupunan. Bakit nagawa niyo sa akin ito? Bakit pinapatay niyo ako habang maliit pa at walang kalaban-laban? Akala ko ba mamahalin niyo ako katulad ng pagmamahal niyo sa isat-isa. Bakit hindi niyo man lang ako hinayaan na mabuhay para naman matupad ang mga pangarap ko?

Bakit hindi niyo man lang ako binigyan ng pag-asa na maging bahagi ng lipunan? Makakaya ko naman na tiisin ang hirap na aking mararanasan bilang bahagi ng isang pamilya. Bakit naging ganoon ang pasya niyo pagkatapos na mabuo ako?Sana hindi na lang ako nabuo kung ipapalaglag rin lang. Hindi pa pala kayo handa na maging magulang. Tuloy pinag-uusapan ako ngayon dahil pinatapon niyo lang ako sa kung saan may makakakita sa akin. Wala talaga kayong awa sa akin.

No comments: