KARANASAN
Ni: Arvin U. de la Peña
Magmamahal pa ba ako. Nakakailang beses na nga ba akong nagmahal.Isa......dalawa......tatlo......apat. Sa apat na iyon masasabi ko na nagkaroon talaga ng seryosong relasyon, na nauwi rin sa wala. Naaalala ko pa noong hindi pa ako nililigawan ng una kong naging boyfriend. Kaklase ko siya sa paaralan. Una ko pa lang pagkakita sa kanya ay nagkagusto agad ako sa kanya. Madalas lagi akong nagpapapansin sa kanya. Kahit puwede akong humiram ng libro sa aking kaibigan ay sa kanya ako humihiram.
Minsan naman ay humihingi ako sa kanya ng papel kahit na may papel ako. Matindi talaga ang naging tama sa akin ng una kong boyfriend. Kaya nga ng niligawan niya ako ay sinagot ko agad siya. Hindi na ako nag-alinlangan.Napakasaya ko noong kami pa ng una kong boyfriend. Sa loob ng dalawang taon na aming relasyon wala akong masasabi sa kanya. Napakamaasikasuhin niya sa akin. Hindi niya ako binibigyan ng sama ng loob. At kapag may problema naman ay nagtutulungan kami. Sayang nga lamang at pinatigil siya sa pag-aaral nu'ng magtatatlong taon na kami ng mga magulang niya sa probinsya. Financial problem daw ang dahilan. Masyado talaga akong naapektuhan ng magkalayo kami.
Sa pangalawa ko namang naging boyfriend ay di agad nagtagal. Limang buwan lang kami dahil di ko nakayanan na masyado siyang seloso. Madalas niya akong sumbatan kapag may nakakausap akong ibang lalaki. Naghihinala agad siya na nagpapaligaw pa ako. Ako na ang nakipagbreak sa kanya. Gayundin din sa pangatlo kong naging boyfriend. Umabot lang ng siyam na buwan ang relasyon namin. Dahil nalaman ko na hindi lang pala ako ang babae niya kundi mayroon pa.At sa huli kong naging boyfriend akala ko talaga ay kami na. Ayos lang sa kanya na nagkaroon na ako ng tatlong boyfriend. Minahal niya talaga ako ng tapat. Hindi siya nagkulang ng pagmamahal sa akin.
Ngunit sadya yatang mapait ang pag-ibig para sa akin. Dahil noong limang taon na ang relasyon namin at nagbabalak na magsama na ay naaksidente ang sinasakyan niyang jeep papunta sa kanila na naging dahilan ng pagkasawi niya. Nasabi ko sadya yatang mailap sa akin ang magkaroon ng permamenteng karelasyon.Lumipas pa ang ilang taon at di na ako nagmahal pa. Kapag may nanliligaw naman sa akin ay sinasabihan ko agad na sa iba na lang ibaling ang pagtingin. Trabaho ko na lang ang aking inaatupag.
Heto ako ngayon, thirty years old na. Kung kailan pa ako tatanggap ng manliligaw siguro tadhana ang makapagsasabi.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment