Thursday, October 9, 2008

Pahiwatig

* Alam mo habang sinusulat ko ito ay dalawa ang nararamdaman ko. Malungkot at masaya. Kasi dahil dito maaaring mawala ka sa akin o kaya manatili sa akin. Kung mawawala ka sa akin, syempre ako ay magiging malungkot pero pipilitin ko na malagpasan ang lungkot kasi ako lang naman ang nagpupumilit na makipagkaibigan sa iyo. Kung mananatili ka naman sa akin, syempre ako ay sasaya kasi magiging kaibigan kita at makakaasa ka na magiging mabuti ako sa iyo.*

PAHIWATIG
Ni: Arvin U. de la Peña

Madalas lagi kitang naiisip
Sa pagkagising ko sa umaga
At sa gabi ako ay matutulog na
Kahit na tayo ay magkalayo.

Pakiwari ko ay malapit ka lang
Sa piling ko sinta
Nakakausap at napagsasabihan
Ng aking problema.

Tuloy gusto kita
Kahit di pa kita nakikita
Nakakahiya man na aminin
Ang totoo ay hibang ako sa'yo.

Kapag naiisip ko naman
Baka di kita makita ng personal
Ako ay nalulungkot
Tumutulo ang aking luha.

Alam ko naman talaga
Na ikaw ay mayaman
At ako ay mahirap lang
Langit at lupa ang ating pagitan.

Ibaling ko man sa iba
Ang pagtinigin ko sa iyo
Ay di ko nagagawa
Ikaw talaga sa puso at isip.

Kung naiisip ko naman
Na mayroon kang kasintahan diyan
Masyado akong nanghihina
Na ewan ko kung dapat ba.

Kung bakit ganito ako sa iyo
Simple lang naman ang dahilan
Mula ng makilala kita
Pinasaya mo ang buhay ko.

Nagkaroon ako ng kulay ang buhay ko
Naging inspirado ako
Nagsisikap ako na maabot
Ang aking mga pangarap.

Bawat araw talaga
Hinihiling ko sa maykapal
Na sana magkita tayo
Para lubos ang aking kasiyahan.

Ngunit minsan alam mo?
Pinipilit ko na limutin ka
Dahil baka hanggang pangarap lang kita
Kaso hindi ko nagagawa.

Hiling ko lamang sa iyo
Sana kahit magkalayo tayo sa isat'-isa
Ay huwag magbabago
Ang iyong pakikitungo sa akin.

Kahit na minsan
Mayroon akong pagkakamali
Sa aking mga sinasabi
Hindi ko naman sinasadya iyon.

Dahil ako hindi kita makakalimutan
Kahit ako ay pumanaw na
Na hindi man lang kita nasisilayan
Sa kabilang buhay iisipin pa rin kita.

Dahil iba ka sa lahat
Kung magkaroon man ng katuparan
Minimithi ko sa buhay
Iyon ay dahil sa'yo.

Muli uulitin ko
Hindi man tayo magkita
Taos puso pa rin ang aking pasasalamat
Na ikaw ay nakilala ko.

At ngayong nasabi ko na
PAHIWATIG kong ito sa iyo
Nasa iyo na ang pagpapasya
Kung ako ay may halaga pa sa'yo o wala na.

No comments: