Tuesday, October 7, 2008

Bakit

BAKIT
Ni: Arvin U. de la Peña

Parang nasabugan ako ng bomba ng bigla ay makipaghiwalay ka sa akin. Dahil mahal na mahal mo ako. Noong nililigawan mo pa lang ako kahit ilang oras kaya mo akong hintayin sa paaralan. Hinahatid mo pa ako sa amin. Nang minsan na sinermonan ka ng mga magulang ko na dapat hindi mo ako nililigawan dahil mahirap ka lang ay balewala lang sa iyo. Hindi ka nagalit. Naging matiyaga ka talaga sa akin. Gustong-gusto mo talaga ako.

Kaya nga ng sagutin kita, kitang-kita ko sa mukha mo ang kasiyahan. Labis-labis ang iyong pasasalamat na tinanggap ko ang iyong panliligaw.Nang tayo ay nagmahalan na wala akong masabi sa iyo. Napakamaasikasuhin mo sa akin. Hindi ka gumagawa ng hakbang na maaaring ikagalit ko sa'yo. Kapag may araw naman na di tayo nagkikita ay tinatawagan mo ako at kinukumusta. Para alamin kung ayos lang ba ako.

Ngunit bakit ngayon? Bakit pagkatapos ng tatlong taon na pag-iibigan natin bigla kang makikipaghiwalay sa akin? May kasalanan ba ako? Mayroon ba akong nagawang pagkakamali sa'yo? Bakit ito ang igaganti mo sa akin pagkatapos kong maibigay ang lahat sa'yo? Akala ko ba ako na sa piling mo? Ako ang gusto mong makasama sa habambuhay. Pero bakit? Bakit nakipaghiwalay ka sa akin ng walang sapat na dahilan? Paano na ang mga pangarap natin? Hahayaan na lamang ba na di matupad? Hindi ka ba nasasayangan roon?

Sana ay tama ang aking hinala na nabigla ka lang kaya ka nakipaghiwalay sa akin. Ayaw mo lang muna na makita ako at makasama. At babalik ka rin para ako ay sorpresahin. Dahil sa estado ng buhay natin ay langit ako at ikaw ay lupa. Pagbalik mo ay pantay na tayo at di ka na mahihiya sa aking mga magulang.Umaasa talaga ako na wala pang katapusan sa ating dalawa. Magpapatuloy pa balang araw ang maganda nating relasyon. Wala pang wakas sa pag-iibigan natin. Kung ang wakas ay wala na ngang karugtong.

No comments: