Tuesday, March 4, 2014

Doon Lang


DOON LANG
Ni: Arvin U. de la Peña

Isang araw ay nagkayayaan ang barkada na mag beach. Siyempre doon ay nag inuman kami. Katulad ng kung nag iinuman dati ay kung ano anong usapan ang napag-uusapan namin. Hanggang sa mapagpasyahan na mag videoke kami kasi may videoke naman doon at lumipat nga kami ng puwesto na may videoke. Pagpasok namin ay marami ang tao sa loob at marami ang nakasunod na kakantahin pa. Pag-upo namin ay kinuha ang song book ng isang kaibigan at pumili na kami ng gustong kanta. Hanggang sa dumating na ang time na grupo na namin ang kakanta. Pagkatapos kumanta ng iba kong kaibigan ay ako naman ang kumanta at ang inawit ko ay ang Doon Lang.

Pagkatapos kong umawit ay muli nag usap-usap kami kasi ako ang huli na umawit sa grupo namin. Sa hindi ko inaasahan ay may lumapit sa akin na lalaki dala ang isang case ng beer na dala ng waiter para ko lang uli awitin ang Doon Lang kasi request daw ng tatay niya. Nabigla ako sa sinabi niya pati na ang mga kaibigan ko. Kasi agad pumasok sa isip ko nagustuhan yata ang pag awit ko ng Doon Lang. Dahil sa hindi na makatanggi sa alok ay inawit ko uli ang Doon Lang.


Kung natapos ko ang aking pag-aaral
Disin sana'y mayron na akong dangal
Na ihaharap sa'yo at ipagyayabang
Sa panaginip lang ako may pagdiriwang

Yaman at katanyagan sa akin ay wala
Kakisigan ko ay bunga ng isang sumpa
Ang aking ina ang tangi kong tagahanga
Sa panaginip lang ako may nagagawa

Habang umaawit ako ay tumitingin din ako sa puwesto ng nagpaawit sa akin. Doon ay kita ko na ang lalaki na matanda na ay napapaluha habang umaawit ako. Lalo na ng awitin ko ang chorus.

Doon ay kaya kong ipunin lahat ng bituin
Doon ay kaya kong igapos ihip ng hangin
Doon ay kaya kong pagbawal buhos ng ulan
Sa panaginip lang kita mahahagkan t'wina
Doon lang

Kung 'di dahil sa barkada ay tapos ko na
Ang pag-aaral na nagbibigay ng halaga
Sa awitin kong ito mo lang madarama
Mga pangarap kong walang pangagamba

Doon ay kaya kong ipunin lahat ng bituin
Doon ay kaya kong igapos ihip ng hangin
Doon ay kaya kong pagbawal buhos ng ulan
Sa panaginip lang kita mahahagkan t'wina
Doon lang

Doon ay kaya kong ipunin lahat ng bituin
Doon ay kaya kong igapos ihip ng hangin
Doon ay kaya kong pagbawal buhos ng ulan
Sa panaginip lang kita mahahagkan t'wina
Doon lang

Pagkatapos kong kumanta ay palakpakan ang nasa loob. At naglakas loob akong lapitan ang puwesto ng nagrequest sa akin na awitin uli ang kanta na iyon kasi napapaluha ang matanda. Nang kumustahin ko siya kung okey lang ay hindi sumagot. At ang lalaki na anak niya ang nagsalita na okey lang ang tatay niya. Hindi na raw makapagsalita kasi nagkaroon ng mild stroke. At doon nagkuwento ng gustong-gusto raw ng tatay nila ang kanta na Doon Lang kasi kahit hindi siya nakatapos ng pag-aaral ay umasenso ang buhay nila. Ang nanay lang nila ang nagkaroon ng trabaho na maganda dahilan para sila ay umasenso sa buhay. Ang tatay lang daw nila ang namahala sa negosyo na ang pera galing sa nanay nila. Umasenso raw sila sa negosyo dahil kahit hindi nakatapos ng pag-aaral ang tatay nila ay masipag naman at alam kung paano mamahala sa negosyo. Doon naliwanagan ako sa sinabi. Iyon pala ang dahilan. 

Nang bumalik ako sa puwesto namin ay kinuwento ko sa mga kaibigan kung ano ang dahilan ng pag luha ng matanda. At ng aalis na sila ay muli lumapit sa akin ang lalaki at pinasalamatan ako.

Sa buhay maraming tao ang nagsisi dahil hindi sila nakatapos ng pag-aaral. Pero mas maraming tao ang kahit hindi nakatapos ng pag-aaral ay maganda at maayos ang kalagayan. Minsan hindi nasa pinag-aralan ang pag asenso, kundi nasa diskarte kung paano kumita ng pera para mabuhay ng maayos pa sa may pinag-aralan.

Thursday, February 6, 2014

Signal Number 5. Super Typhoon Yolanda

Pagkatapos ng bagyong Yolanda ay ngayon pa lang nagkaroon ng internet sa aming lugar. Kaya ngayon pa lang uli ako nakapag blog. Sa mga naging bahagi sa blog ko sa nakalipas na taon ay maraming salamat sa inyo. Maraming salamat sa mga ginawang pagpunta sa blog ko.



SIGNAL NUMBER 5: SUPER TYPHOON YOLANDA
Ni: Arvin U. de la Peña

Naramdaman ko ang lakas ng bagyong Yolanda. Ang hangin niya ay may tunog. Parang sumisipol katulad ng ginagawa ng isang lalaki kapag may dumaraan na magandang babae para mapansin. Samahan pa na parang may ipo-ipo ang hangin. Maging ang mga sementong bahay ay hindi nakaligtas sa bagsik ng bagyo. Napakaraming magandang bahay sa Leyte at Samar na semento ang pagkatapos ng bagyo ay nasira o kaya ay nawalan ng bubong. Ang mga bakal ay nagkayupi-yupi, ang mga yero ay nagliparan. Napakarami ding punong kahoy ang natumba. Ang ibang mga niyon kundi man matumba ay napuputol dahil sa lakas ng hangin. At halos lahat ng puno na hindi natumba ay nawalan ng dahon. Kawawa pati ang mga ibon dahil walang madapuan kapag gabi.

Kung nasira ang mga sementong bahay ay ano pa kaya ang mga bahay na kahoy at pawid lang. Katulad ng bahay namin na kahoy at pawid lang. Ang bahay na kung saan pinalaki kaming magkakapatid ng aming mga magulang ay sinira ng bagyo. Napakaraming bagyo ang pinagdaanan ng bahay namin pero ang bagyong Yolanda lang ang nagwasak. Ang mga ibang bagyo ang pinsala sa bahay namin ay nakukuhaan lang ng pawid. Dahil doon ay puwede pang matirhan dahil madali naman makabili ng pawid. Pero sa bagyong Yolanda ay hindi na talaga puwede pang matirhan. Kailangan ng gumawa ng bagong bahay dahil tumagilid.

Ganunpaman ang bagyong Yolanda ay ayos din para sa akin. Hindi dahil sa marami ang nasawi. Kundi dahil pagkatapos ng bagyo ang lahat ay naging pantay-pantay muna. Mayaman o mahirap ay pansamantalang nagkapantay-pantay. Pagkatapos ng bagyo at ilang araw pa kahit marami kang pera ay walang halaga iyon ay dahil wala kang mabibilhan. Pagkain, gasolina o anu pa. Lalo na sa Tacloban City at kalapit na lugar. Karamihan na tao pumupunta pa sa ibang lugar. Nagbabakasakali ng makabili at pag hindi makabili pupunta sa ibang lugar naman. Dahil din sa bagyong Yolanda ang lahat ay nakaramdam ng takot, mayaman man o mahirap. Kasi kung signal number 1, 2, o kaya 3 lang na bagyo hindi iyon masyadong ramdam ng mga mayaman na nakatira sa sementong bahay lalo na kung maganda talaga ang pagkakagawa. Pero sa bagyong Yolanda ay nakaramdam ng takot dahil ang bubong kung hindi man ilipad ang mga yero ang iba ay bumabagsak kasama ang bakal o kaya ang kahoy na pinagpakuan ng yero.

Kung signal number 1, 2, o kaya 3 lang din na bagyo pagkatapos niyan ay hindi apektado ang mga mayaman. Mamaliitin pa ng ilang mayaman ang mga mahirap lalo na ang mga nakatira sa kahoy at pawid lang na bahay. Iyon ay dahil likas na sa ibang mga Pinoy ang pagiging matapobre. Sa isipan nila ay magsasabi na "kung semento ang bahay niyo at yero ang bubong ay hindi sana matutuluan ng ulan dahil sa bagyo." Ang mga ganun na salita o kahalintulad ay hindi iyon naiisip ng ibang mga mayayaman kung bakit ang bahay ng mahirap ay hindi katulad ng sa kanila.  Hindi nakikisalamuha ang mga mayayaman sa mahihirap pagkatapos ng bagyo kung signal number 1, 2, o kaya 3 lang. Binabalewala lang ang mga nasiraan ng bahay. Iyon ay dahil hindi sila nasisiraan ng bahay. Pero sa bagyong Yoalanda nakisalamuha sila lalo na sa paghanap ng mga yero nila na nilipad ng malakas na hangin. Dahil lahat ay apektado ay nagkaroon ng mga pag-uusap. Iyon ang nakaganda pagkatapos ng bagyo. Dahil din sa bagyong Yolanda ang ibang mayayaman ay natuto na pumila o tumanggap ng mga relief goods.

Pantay-pantay tayo ng maisilang. Walang saplot sa katawan. Dapat sa kalamidad na nararanasan at nararamdaman ng bawat isa ay pantay-pantay din. Walang mayaman, walang mahirap.

Friday, October 25, 2013

Lindol

LINDOL
Ni: Arvin U. de la Peña

Hindi malaman kung kailan ka magparamdam
Mga tao takot sa iyo
Minsan ikaw ay mahina
Minsan naman ay malakas.

Sa lahat ng kalamidad ikaw ang pinangangambahan
Dahil niyuyugyog mo ang lupa
Ang di kayang sirain ng bagyo
Sa iyo ay kaya mong wasakin.

Mayaman at mahirap ay pantay-pantay sa iyo
Kahoy at sementong bahay puwede mong masira
Walang matibay sa iyo 
Kapag malakas kang nangyari.

Paghandaan ka man ay kulang pa rin
Dahil di malaman kailan ka darating
Mahirap kang maiwasan
Pagkat kahit saang lugar maaari kang maramdaman.

Lindol, pangyayari mo napakamahiwaga
Pinagagalaw mo lahat ng nasasakupan
Dulot mo minsan ay malaking pinsala
Isa kang bagsik ng kalikasan.

Friday, September 20, 2013

Aanhin Pa Ang Damo, Kung Patay Na Ang Kabayo (The Janet Lim-Napoles and Benhur Luy love story)



AANHIN PA ANG DAMO, KUNG PATAY NA ANG KABAYO
(The Janet Lim-Napoles and Benhur Luy love story)
Ni: Arvin U. de la Peña

Karangyaan sa buhay ay nasa kanya na. Mayroon silang mga magandang bahay, mga mamahalin na sasakyan at iba pa. Kung gustuhin na magbakasyon sa ibang bansa ay madaling makapunta dahil sila ay mayaman. Kung ano ang latest na gadgets katulad ng iphone, ipad, laptop, cellphone ay mayroon agad siya. Siya si Janet Lim-Napoles. Pero kahit ganun siya ay hindi siya matapobre.

Sa kanilang paaralan sa high school ay marami ang humahanga sa kanya dahil simple lamang siya. Mahilig makisalamuha sa mga tao. Higit sa lahat kapag may malalaman siya na ang kanyang kaklase ay walang pambayad para sa pag exam ay pinapahiram niya ng pera. Pati pagkain sa paaralan ay hindi madamot si Janet Lim-Napoles. Ganun siya kabait sa kapwa.

Sa pagtuntong niya ng 4th year high school doon ay may nakaklase siya na bagong lipat mula sa ibang paaralan na lalaki. At na love at first sight siya. Nainlove si Janet Lim-Napoles sa bagong kaklase na ang pangalan ay Benhur Luy. Nang malaman ni Benhur Luy na crush siya ni Janet Lim-Napoles ay niligawan niya dahil crush din naman niya. Hanggang sa maging sila.

Nang malaman ng mga magulang ni Janet Lim-Napoles na mayroon siyang kasintahan at mahirap pa ay pinagalitan siya. Higit sa lahat ay hinigpitan. Pero kinontra ni Janet Lim-Napoles ang kanyang mga magulang dahil mahal niya si Benhur Luy. Nang mag graduate ng high school ay mas pinili ni Janet Lim-Napoles ang sumama kay Benhur Luy at nanirahan sila sa probinsya.

Lahat ng paraan ay ginawa ng mga magulang at kapatid ni Janet Lim-Napoles para siya ay mahanap. Tumagal ng ilang buwan bago siya ay nahanap. Pero ng siya ay mahanap ay buntis na. Minura siya ng kanyang mga magulang. Sinabihan na walang utang na loob. Kung anu-anong masasakit na salita ang sinabi. Pati ang kanyang mga kapatid ay pinagsalitaan din siya ng hindi maganda. Naging mahinahon lang si Janet Lim-Napoles. Hindi siya gumanti ng salita. Hanggang sa umalis na ang kanyang mga magulang at kapatid.
Nang dumating ang kanyang asawa na si Benhur Luy galing pagtrabaho sa construction ay ikinuwento niya ang lahat. Pinangako naman sa kanya ni Benhur Luy na hindi siya pababayaan. Nagyakap silang dalawa.

Nang malapit ng manganak si Janet Lim-Napoles ay kumontak siya sa kanyang mga magulang para humingi ng pera para igasto sa panganganak dahil gusto niya cesarean. Pero sinabihan lang siya na bahala na kayo na mag asawa gumawa ng paraan. Nalungkot siya ng marinig iyon dahil pati sa magiging apo ng mga magulang niya ay kinamumuhian din. Nanganak si Janet Lim-Napoles sa ordinaryong paraan dahil walang mahiraman ng pera.

Taon ay lumipas hanggang sa muling manganak si Janet Lim-Napoles at ito ay kambal. Dahil mahirap lang ang kalagayan nila ay muli humingi siya ng tulong sa mga magulang sa pag aakalang pinatawad na. Sinabi rin niya na may anak na siyang kambal. Pero kinawawa lang siya sa telepono. Wala na raw silang pakialam sa kanya. Hindi na bibigyan pa ng pera. Pagkatapos mag-usap ay napaiyak si Janet Lim-Napoles pag-uwi sa kanila. Habang siya ay umiiyak ay niyakap siya ng kanyang panganay na anak na noon ay limang taong gulang na lalaki at siya ay tumigil na sa pag iyak.

Nagsikap si Janet Lim-Napoles. Natuto siyang magtinda ng mga isda sa palengke kasama ng asawa niya na si Benhur Luy na wala ng trabaho sa construction. Umaga palang ay umaalis na si Janet Lim-Napoles sa kanilang bahay para umangkat ng isda sa kabilang baryo para ibenta sa palengke sa kanilang lugar. Iyon ang naging hanap buhay nilang mag asawa. Minsan ay malaki ang kita, minsan naman ay konti lang. Sa ganun na paraan ay nakakaraos sila bawat araw at napapag aral pa nila ang kanilang panganay na anak. 

Sa ikatlong pagbubuntis ni Janet Lim-Napoles doon ay naging mahirap ang kanyang kalagayan. Nagkaroon pa siya ng sakit. Ilang araw pa bago ang kanyang panganganak ay gusto niya na humiram ng pera sa kanilang mga kaibigan para igasto sa cesarean pero wala siyang mahiraman. Dahil kailangan talaga na dapat cesarean ang panganak niya ay sa muling pagkakataon ay tumawag siya sa kanyang mga magulang. Pinaliwanag niya ang lahat na kailangan niya ng pera para sa cesarean dahil maselan ang kanyang pagbubuntis at may sakit pa siya. Umiyak pa siya sa telepono ng pagmamakaawa. Pero hindi siya pinansin. Naging pusong bato na ang kanyang mga magulang sa kanya. Hanggang sa matapos ang kanilang pag-uusap.

Gabi oras ng panganganak ni Janet Lim-Napoles sa public hospital ay hirap na hirap talaga siya. Hindi niya makaya na mailuwal ang sanggol sa sinapupunan, samahan pa na may sakit siya. Nasabi niya sa sarili na kung may pera lang sila hindi mangyayari ang nararamdaman niya ngayon dahil cesarean ang panganak niya. Hanggang sa hindi na makaya ni Janet Lim-Napoles ang hirap sa panganganak at siya ay namatay. Iyak ng iyak si Benhur Luy sa nangyari. Agad ay tinawagan ni Benhur Luy ang mga magulang ni Janet Lim-Napoles at ipinaliwanag ang nangyari.

Ilang oras ang lumipas ay dumating ang mga magulang at kapatid ni Janet Lim-Napoles sa hospital. Doon ay kitang-kita nila ang kanilang anak na patay na. Humagulgol sila ng iyak, nag iyakan sila. Nagsalita pa na humihingi ng kapatawaran.

Bumuhos ang suporta ng mga magulang ni Janet Lim-Napoles sa kanya. Pinagawan ng magandang nitso, sinuotan ng mamahalin na damit, relo, kuwentas, at singsing. Sa bawat gabi ng kanyang burol ay marami lagi ang nakahandang pagkain. At pagkatapos ng libing ni Janet Lim-Napoles ay binigyan si Benhur Luy ng malaking halaga ng pera ng mga magulang ni Janet Lim-Napoles para sa mga anak at sa negosyo na pag isda. At sinabihan pa na kung kailangan ng pera ay tumawag lang dahil handang tumulong. Nang marinig iyon ay napaluha si Benhur Luy. Nang paalis na ang mga magulang ni Janet Lim-Napoles ay niyakap muna ang kanilang mga apo. Ang panganay na anak at ang mag kambal.

Itinaguyod na mag isa ni Benhur Luy ang kanilang mga anak ni Janet Lim-Napoles. Hindi na siya naghanap pa ng ibang mamahalin dahil si Janet Lim-Napoles lang ang kanyang mahal, wala ng iba.

Friday, September 13, 2013

Artista

Katulad ng Magkadugo, Pagbangon Ni Mama (aka Sana) ay itong Artista ay napublish din sa diaryo gamit ang pangalan ng nakilala at nakaibigan ko na babae kasi gusto ko din na ma nationwide ang pangalan niya na makita sa diaryo na nagsusulat din ng maikling kuwento o kaya tula. Pero ako ang tunay na nagsulat. Kung sino man siya ay malaman niyo sa una kong blog na www.arvinurmenetadelapena.blogspot.com


ARTISTA
Ni: Arvin U. de la Peña

Kung nakikita ka nila
Sila ay masaya na
Hinahangaan sa TV at pelikula
Kahit paano ay nasilayan nila.

O, artista ka nga
Marami ang sa iyo humahanga
Mundo mo kasing pinasukan
Mahirap na maabot.

Minsan di ka nga lang 
Maintindihan ng mga tao
Nagsisinungaling ka kahit totoo
Maprotektahan lang iniingatang imahe.

Marahil nga sadyang ganyan 
Ang buhay sa showbiz
Labag man sa kalooban
Kaplastikan di maiiwasan.

Saturday, August 10, 2013

Kaysarap Ng Pasko Ko Ngayon ( a song )

Noong July 5, 2005 ng ma compose ko ang Christmas song na ito. Inihahandog ko ang kanta kong ito para sa mga tao na minsan ay iniwan ng kanilang kasintahan pero binalikan alang-alang sa diwa ng pasko.


KAYSARAP NG PASKO KO NGAYON (a song)
Composer:  Arvin U. de la Peña

Intro:

Dati ang pasko ko ay kaylungkot
Binabalik tanaw lagi
Magandang alaala na bigay mo
Pakiwari ko ay di na talaga ako
liligaya
Kapag pasko ay sasapit.

do stanza chords

Ngunit ngayong pasko na ito
Iba na ang mangyayari
Dahil ikaw ay muling nagbalik.

chorus:

Kaysarap ng pasko ko ngayon
Makakasama muli kita sinta
Salamat at minahal mo uli ako
Pinakinggan mo hiling ko
Na tayo ay magbalikan
Ngayong malapit na ang pasko.

do stanza chords

Mga kasalanan ko sa'yo
Pagkakamali na labis kang nasaktan
Ilang pasko rin ang nagdaan
Na pinagsisihan ko 'yun

do stanza chords

At ngayong pasko na ito
Mapatawad mo sana ako 
ng lubusan.

repeat chorus

* Instrumental *

repeat chorus except last line

repeat chorus

coda:

ngayong malapit na ang pasko.

( Sinuman ang magkagusto sa compose kong ito ay pagsabihan lamang ako dahil tiyak magkakasundo tayo. Mag email lamang sa akin at ilagay ang cellphone number. arvin9595@yahoo.com )

Sunday, July 21, 2013

Pagbangon Ni Mama (aka. SANA NGA)

"Sa panahon na may mga napapublish ako sa diaryo na sinulat ko ay ginusto ko rin na ang nakilala kong babae at nakaibigan ay malagay ang pangalan sa diaryo na siyang nagsulat kahit na ako. Sa madaling salita gusto ko rin na ma nationwide ang pangalan niya. Gumawa ako ng ibang email address at pangalan niya ang gamit sa pagpadala ng kuwento o tula at iyon ay napagtagumpayan ko naman. Nang mapapublish iyon ay bumibili ako ng diaryo at ibinibigay sa kanya. Maraming beses rin na napublish ang pangalan niya bilang nagsulat ng kuwento o tula pero ako ang tunay na nagsulat. Sabi nga ng naka text ko na nagsusulat din ng kuwento at may napapublish sa diaryo bakit ganun daw gumanun ako kasi pangalan niya ang narerecognize na siyang nagsulat at hindi ako. Sabi ko naman ay okey lang iyon kasi masaya ako at nakilala ko siya. Kung sino man ang pangalan niya ay makita niyo sa una kong blog na ginawa ko noon. Ito ang una kong blog www.arvinurmenetadelapena.blogspot.com  at higit sa lahat kahit wala na akong communication sa kanya ay kahit paano masaya ako na minsan nakilala at nakakausap ko siya."

Napublish ang kuwentong ito sa diaryo na ako ang tunay na nagsulat.Napublish ito sa Pilipino Star Ngayon para sa column na Bagong Sibol. Taong 2003 o 2004 yata. Ang pamagat ng kuwentong ito pag submit ko ay SANA NGA pero binago ng editor.

PAGBANGON NI MAMA (aka. SANA NGA)
Ni: Arvin U. de la Peña

Kaysarap dati ng buhay ko. Panahon na sina mama at papa ay nagsasama pa. Bawat Sabado at Linggo ay namamasyal talaga kami. Palibhasa kapwa pumapasok sa opisina at mataas pa ang sahod ay ayos lang kung gumasto man ng pera. Basta para sa ikasasaya ng pamilya walang problema. Kung gusto ko naman ng isang bagay o laruan ay naibibili talaga nina mama at papa para sa akin. Kaya nga noon sinasabi ko suwerte ako at nagkaroon ako ng magulang na tulad nila. Hindi katulad sa iba kong mga kaibigan na bukod sa wala pang katulong sa bahay ay nagsasakripisyo pa sila sa bawat araw para mabuhay. Ako ay hindi na. Mayroon ng nag-aasikaso para sa pagkain namin at naglalaba ng maruming damit.

Akala ko talaga ay walang katapusan ang kasiyahan ko sa pagkakaroon ng magulang na tulad nila. Hindi pala, lahat pala ay may katapusan. Nalaman ko na lang isang umaga na pagkagising ko na si mama ay umiiyak. Iyak na masyadong nasasaktan sa pangyayari. Ako na sampung taong gulang noon at musmos pa ang kaisipan ay di ko agad nadama ang kanyang pag-iyak. Ngunit ng sabihin niya sa akin na si papa ay sumama na sa ibang babae at di na magbabalik sa amin ay di ko napigilan ang di umiyak. Paano?, di ko na makakapiling pa si papa. Noon pa raw pala ay may kinahuhumalingan ng ibang babae si papa.

Lumipas pa ang ilang araw napansin ko na lagi na lang malungkot si mama. Kung dati ay di siya tumitikim ng alak ngayon ay umiinom na siya ng alak. Pinalayas na rin niya ang katulong namin. Kung dati ay hindi ako naglalaba ngayon ay nagkukuskos na ako ng maruming damit. Madalas na rin akong utusan ni mama na bumili ng pagkain. Nag-iba talaga ang buhay ko mula ng mawala sa amin si papa. Ang masakit pa ay pinag-uusapan kami lagi ng aming mga kapit-bahay.

Kapag ako naman ay nasa paaralan at tinatanong ako ng mga kaibigan ko kung nasaan si papa ay di agad ako nakakasagot. Nahihiya ako sa mga kaibigan ko na naghiwalay ang mga magulang ko. At kapag nakikita ko naman ang iba kong mga kaibigan na magkasama silang pamilya ay may pagkainggit sa aking sarili. Naaalala ko ang mga sandali na magkasama kami nina mama at papa.


Tuwing sumasapit naman ang Sabado at Linggo ay lagi na lang ako sa bahay. Nasa isip ko na lamang ang aming pamamasyal. Kung humiling naman ako kay mama na kami ay mamasyal ay di siya pumapayag. Masyado talaga siyang naapektuhan sa nangyari.

Minsan isang gabi ay nanaginip ako. Kaming dalawa ni papa ay namamasyal. Masayang-masaya ako habang kami ay namamasyal. Gusto ko sabihin sa kanya kung bakit niya pinalitan si mama pero hindi ko magawa. Paulit-ulit lang niyang sinasabi sa akin na dapat harapin ko ang mga pagsubok na darating sa akin at huwag akong paaapi para di masaktan si mama.

Kinabukasan pagkagising ko at paglabas sa silid ay nakita ko si mama na nagdarasal sa altar. Namangha ako kasi mula ng magkahiwalay sila ni papa ay di na niya iyon ginawa. Pero ng araw na iyon nagdasal ulit siya sa altar. Taimtim na nagdarasal.
Nasa kusina ako ng tawagin ang pangalan ko ni mama. Maghanda raw ako kasi kami ay mamamasyal. Pagkarinig ko na kami ay mamamasyal ay napaluha ako ng kaunti. Nasa isip ko sana nga ay matanggap na talaga ni mama na si papa ay wala na sa amin.
Tuwang-tuwa ako ng araw na iyon.