Monday, September 7, 2009

Maling Akala

"Masakit kung ang inaakala mo na magiging iyo na tao ay hindi mo makakatuluyan dahil may minahal siyang iba."


MALING AKALA
Ni: Arvin U. de la Peña

"Wala na siya rito sa ating lugar. Umalis na siya, matagal na. Siguro mga dalawang taon na at mula noon hindi pa siya bumabalik. Nangyari ang pag-alis niya rito isang buwan pagkatapos mong magpasya na sa Maynila mag-aral ng panibagong kurso sa kolehiyo". Para akong nasabugan ng sabihin ng kaibigan ko ang mga salitang iyon. Ang dahilan kung bakit nagbakasyon ako ay hindi ko pala makikita. Si Maryjane hindi ko pala siya makakausap tungkol sa aming naputol na magandang relasyon.

Sino nga ba si Maryjane sa buhay ko? Well, siya ang dahilan bakit naging makulay ang buhay ko. Siya ang taong nagmahal sa akin ng totoo. Hindi siya katulad ng iba kong nakarelasyon na puro dusa ang inabot ko. Nandun ang pagkakataon na ako ay paiiyakin, sasaktan, at higit sa lahat nakakakita ako ng dahilan para ako ay magselos. Ngunit kay Maryjane hindi ko naranasan ang mga iyon. Masayang-masaya talaga ako sa kanya.

Noong una hindi ko pansin si Maryjane. Paano?, isa ko siyang kababata. Magkalapit lang ang aming bahay. Madalas ay magkasama kami noon kung maglaro. Kahit nagpapasaring siya noon binabalewala ko lang. Mas pinansin ko ang mga pasaring ng mga babae na malayo sa aming bahay. Iyon pala hindi ako magiging masaya sa piling nila. Kay Maryjane ko pala matatagpuan ang kaligayahan ng tunay na pag-ibig.Nagkalayo lang kami ng magpasya ang mga magulang ko na sa Maynila ako mag-aral sa bago kong kukunin na kurso. Wala kasing nangyari sa una kong natapos sa kolehiyo. Nang sabihin ko kay Maryjane iyon ay di niya tanggap. Dahil kami raw ay magkakalayo. May kurso naman daw dito na malapit lang sa aming lugar ang kukunin ko sa Maynila, bakit doon pa raw ako mag-aaral.

Sinabi ko sa kanya ang dahilan kung bakit doon ako mag-aaral ngunit hindi pa rin siya kumbinsido. Hanggang sa ako ay paalis na patungong Maynila hindi pa rin niya tanggap na doon talaga ako mag-aaral. Ngunit sinabi niya sa akin na mahal na mahal niya ako na sinang-ayunan ko naman dahil mahal na mahal ko rin siya. At sinang-ayunan ko rin ang sinabi niya sa akin na huwag lang kaming magsulatan dahil malulungkot lang siya kapag may matatanggap na sulat na galing sa akin na malayo ako sa piling niya.Habang nasa Maynila ako siya ang inspirasyon ko sa pag-aaral. Dahil umaasa ako na sa aking pagbalik o pagbakasyon ay may Maryjane na naghihintay sa akin.Subalit heto ako ngayon sa aming lugar nagbabakasyon ng isang buwan pero wala si Maryjane na aking inaasahan. At ramdam ko na mula ng kami ay magkarelasyon ngayon lang ako nakadama ng lungkot.

Masaya na sana ako dahil ang nasa isip ko pumunta lang sa malayong lugar si Maryjane para magkaroon ng magandang buhay para sa muli naming pagkikita ay mapag-usapan na namin ang para sa aming pagsasama ng bigla ay may nabalitaan ako isang linggo pagkaraan ng aking bakasyon. Kagigising ko lang ng malaman ko sa aking kapatid na si Maryjane ay umuwi pero may kasamang lalaki. Parang sasabog ang dibdib ko ng marinig ko iyon. Gusto kong puntahan si Maryjane sa bahay nila kung bakit niya ako pinalitan gayong wala namang break-up na nangyari sa aming relasyon.

Hanggang sa makita mismo ng dalawa kong mga mata na totoo ang sinabi ng aking kapatid. Si Maryjane may iba ng lalaki at pinalitan na ako. Akala ko pa naman hindi siya tutulad sa mga nakarelasyon ko. Tumulad din pala siya.Bukas aalis na lang ako papuntang Maynila. Hindi ko na lang tatapusin ang isang buwan ko na bakasyon.

Sana malimot ko ang alaala namin ni Maryjane pagdating ko roon. Masakit pero kailangan kong tanggapin ang katotohanan na hindi siya para sa akin.

4 comments:

Kablogie said...

Parekoy hinay hinay lang sa pag ibig..Dont run to fast like a shot from a gun..hindi minamadali ang pag ibig ^_^

chico veluce said...

hush!!! XDD

Hari ng sablay said...

maryjane, kapangalan ng luma kong pag-ibig,hehe nakakalungkot naman ang nangyari sayo pare, pag nakita mo yung ipinagpalit sayo tusukin mo ng karayom ang bumbunan,lol

Wanderer Tolentino said...

pag umibig ka natural lang na masaktan ka, wag ka magalala darating din right person para sayo ^^