Friday, December 21, 2012

Panggulo Na Kandidato

"Ito po ang last post ko ngayong taon. Maraming salamat sa lahat na kaibigan worldwide dito sa blog. Kita kits tayo sa susunod na taon."

PANGGULO NA KANDIDATO
Ni: Arvin U. de la Peña

Halalan na naman sa susunod na taon. Siguro sa inyong lugar kung saan man kayo alam niyo na kung sila sino ang mga kandidato. Higit sa lahat alam niyo na rin kung sino ang kandidato para sa inyong lugar na maituturing na panggulo.

Panggulo na kandidato, ano nga ba iyon? Ang panggulo na kandidato ay kandidato na angkop lang para sa isang lugar na kinaiinisan na ang kasalukuyan na namumuno dahil hindi maganda ang pagserbisyo at maraming isyu tungkol sa katiwalian. Lalo na patungkol sa pangungurakot o pagnanakaw sa pera ng bayan. At dahil doon ay may tatapat sa halalan na malakas ang karisma at malaki ang posibilidad na manalo kung mag one on one lang. Ngunit iyon ay maaaring hindi mangyari dahil sa pagtakbo rin sa halalan ng isa pa. At iyon na nga ang panggulo na kandidato. Kung bakit tumakbo sa halalan ay dahil gusto na manatili lang sa poder ang kinaiinisan na namumuno o kaya dahil sa binayaran.

Hindi makabayan, walang pagmamahal sa bayan. Ganun ang panggulo na kandidato. Sarili lang niya ang iniisip. Dahil kung mahal niya ang bayan, mahal niya ang mga naninirahan ay hindi siya tatakbo sa halalan para magtatlo ang kandidato o kaya hindi niya ipagbibili ang kanyang kandidatura.

Nakakainis, nakakasuklam ang panggulo na kandidato dahil siya ang magiging dahilan para hindi mag-iba ang administrasyon sa lugar. Hindi nga naman maganda kung ang boto ay mahahati pa. Pabor ang pagtakbo ng panggulo na kandidato para sa kinaiinisan na kandidato lalo na kung malaking halaga ng pera ang ibibigay ng kinaiinisan na kandidato para sa mga botante.

Ang hiling na lang ay magkaroon ng himala. Tatanggapin ang pera na bigay ng kinaiinisan na kandidato pero hindi siya iboboto. Ang iboboto ay ang kandidato na maaaring makapagbago sa lugar. At ang panggulo na kandidato ay babalewalain kahit pa mamigay ng pera. Dahil bistado na ang totoong kulay niya, panggulo. Ngunit may himala nga ba kung pera ang pinag-uusapan? Mayroon himala, iyon ay ang kanta na Himala na inawit ng Rivermaya

Saturday, December 8, 2012

Pasko Sa Kulungan

PASKO SA KULUNGAN
Ni: Arvin U. de la Peña

Sa abot ng makakaya ay pilit na binubuhay ni Elizalde ang kanyang pamilya. Mula sa pagiging kargador sa palengke ng mga panindang gulay o ano pa hanggang sa pamamasada ng de padyak na tricycle. Ang halos dalawang daan na kita bawat araw ay pilit niyang kinakasya para sila ay mabuhay. Ang asawa niya na walang trabaho at ang dalawang anak niya na ang panganay ay pitong taong gulang at grade one at ang bunso na limang taon na hindi pa nag aaral.

Umagang-umaga pa lang ay gumigising na si Elizalde para pumunta sa palengke. Muling babalik sa kanila na may dalang tinapay. Aalis para mamasada ng tricycle at muling babalik ng tanghali na may dalang pagkain. Pagkatapos manghalian at makapahinga ng konti ay aalis uli at babalik ng gabi. Ganun lagi ang buhay sa araw-araw ni Elizalde. Ngunit kailanman ay hindi siya nagreklamo. Tinitiis niya ang hirap at pagod para sa kanyang pamilya.

Minsan isang gabi ay kumakain sila ng pagsabihan siya ng kanyang panganay na anak na sana sa pasko ay ibili ng bagong damit at sapatos para maisuot sa pag-aaral at ang bunso ay humiling na ibili ng bagong laruan. Para masiyahan ang mga anak ay nangako siya na ibibili kahit hindi siya sigurado na magkakaroon ng pera. Naantig ang damdamin niya ng makitang ngumiti ang dalawang anak.

Papalapit na ang pasko ay wala pa rin siyang pera na pambili para sa ipinangako sa dalawang anak. Nang tanungin siya ng kanyang dalawang anak ay sinabi niya na lang na ibibili talaga para hindi malungkot.

Bisperas ng pasko ay wala pa rin siyang pambili para sa ipinangako sa mga anak. Gabi ay umalis siya para mamasada ng tricycle. Nang may sumakay sa kanya na matandang babae at nakita na maraming pera ay hinoldap niya sa madilim na kalsada. Nang makuha ang pera ay agad pumunta sa mall at bumili para sa kahilingan ng dalawang anak.

Tuwang-tuwa ang dalawang anak niya pag-uwi na dala ang pangako at may pagkain pa. Kahit paano, galing man sa masama ang pera ay nasiyahan si Elizalde dahil napagbigyan ang hiling na kanyang dalawang anak.

Araw ng pasko, nasa bahay lang si Elizalde. Lingid sa kaalaman niya nakilala siya ng matandang babae na hinoldap niya dahil nagtanung-tanong at pumunta pa sa presinto para humingi ng tulong. Hindi na nagtaka si Elizalde ng may dumating sa bahay nila na mga pulis kasama ang matandang babae na hinoldap niya. Ipinaliwanag ni Elizalde kung bakit niya nagawa iyon. Pero kahit anong paliwanag niya at babayaran na lang paunti-unti ay hindi siya pinakinggan ng matandang babae. Kahit pa nagmakaawa siya pati ang asawa at dalawang anak. Kailangan daw niyang pagbayaran ang kanyang ginawa. Walang nagawa si Elizalde kundi tanggapin ang magiging kaparusahan. Inihabilin na lang ni Elizalde ang kanyang pamilya sa kanyang kamag-anak dahil ulila na siya sa magulang at wala pang kapatid. Nakulong si Elizalde sa araw ng pasko.

Sa buhay, minsan nakakagawa tayo ng hindi kanais-nais. Labag man sa kalooban ay kailangan natin gawin. Hindi para sa ating sa sarili, kundi para sa ating mahal sa buhay. Iyon ay dahil mahal natin sila.

Wednesday, November 28, 2012

Pipi

Ito ay mula pa rin sa mapaglaro kong imahinasyon. Salamat sa laging nagbabasa ng sinulat ko.

PIPI
Ni: Arvin U. de la Peña

Kung may mahal man na maituturing si Jericho ito ay walang iba kundi si Kyla. Pero hindi niya masabi dahil pipi siya. Si Kyla na kahit sa isang night club ang trabaho ay labis ang kanyang pagkagusto. Lubos ang kanyang kasiyahan kapag nakikita niya si Kyla. Lalo na kapag bago pumasok sa club ay bibili muna ng fish ball o candy sa kanya. Ang pagtinda niya sa may harapan ng night club ay umaabot minsan hanggang alas dose ng gabi. Masyado siyang nasasaktan kapag nakikita niya na tinitake out si Kyla ng isang customer.

Kung gaano kadalas itake out si Kyla ng isang customer ay ganun din kadalas ang lungkot niya tuwing matutulog na. Sa isipan niya siguro kung hindi lang siya pipi baka nagmahalan na sila ni Kyla.

Ang kanyang nararamdaman kay Kyla ay sinusulat niya na lang sa maliit na notebook. Lahat na nais niyang sabihin at mga plano para kay Kyla ay nakasulat sa maliit na notebook.

Minsan isang araw habang papasok na si Kyla sa night club ay bumili muna sa kanya ng candy. Nang iabot niya ang candy ay ipinakita niya ang kanyang maliit na notebook sa pahina na may nakasulat na "mahal kita Kyla, matagal na." Nang mabasa iyon ni Kyla ay minura niya si Jericho. At pinagsabihan pa bago umalis na "hindi ikaw ang tipo ng lalaki na gusto ko at higit sa lahat pipi ka."

Nakaramdam siya ng lungkot ng marinig iyon kay Kyla. Ganunpaman ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob dahil mahal niya si Kyla at nauunawaan kung bakit iyon nasabi.

Isang gabi ay nakita niya si Kyla na lumabas agad ng night club. Nagtaka siya bakit mas nauna pa yata si Kyla na umuwi. Naisip niya na lang na baka masama ang pakiramdam.

Habang pauwi na siya at nasa madilim na kalsada ng may marinig siya na may sinasaktan na babae sa may damuhan. Inalam niya kung saan nagmumula ang tinig. Laking gulat niya ng makita na si Kyla ang sinasaktan ng lalaki. Pilit na hinuhubaran ng damit. Higit sa lahat ay nagmamakaawa. Walang pag-aksaya ng nilapitan niya ang lalaki at sinuntok. Doon agad ay nakatakbo si Kyla. Susuntukin pa sana niya ang lalaki ng biglay siya ay undayan ng saksak. Agad ay nasawi si Jericho at ang lalaki ay mabilis na tumakas.

Sa pagbalik ni Kyla kasama ng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente doon ay nakita niya na wala na si Jericho. Ang lalaking nagligtas sa kanya sa kapahamakan. At higit sa lahat ang lalaking may lihim sa kanya na pagmamahal pero binalewala niya. Napahagulgol ng iyak si Kyla.

Sa buhay, minsan ang tao na binabalewala natin ay siya palang magbibigay halaga sa atin. Kung kailan wala na at hindi na puwede ay saka mararamdaman ang tunay na pagmamahal sa kanya.


Sunday, November 18, 2012

Luha, Ligaya, at Langit (by request)

Mahirap para sa akin na ang nagrerequest mismo ang nagbibigay ng magiging pamagat para sa by request portion ng blog ko. Pero ganun pa man ay pilit kong kinakaya dahil ang mapagbigyan sila ay kasiyahan sa akin. Ang sinulat kong ito ay pagbibigay daan para sa request ng isang kaibigan na blogger dito sa mundo ng blog. Ginawa niya ang pag request sa pag post ko ng Araw (by request). Narito ang sinabi niya sa comment at ang blog niya ay http://joysnotepad.blogspot.com/

Blogger joy said...

wow, ang dami ng nga request sa yo:) Galing mo kasi.
I wonder if I am going to request you to write for me something with the title " Luha, Ligaya at langit. Coz, it is my life.
Joke only. kawawa ka naman. pinahirapan ka namin. hi hi.
Anyway, gusto ko ang last part ng sinulat mo:
Iba't ibang pangyayari ang nagaganap
Sa bawat nilalang nagbibigay kahulugan
Bata man o kaya matanda
Nararanasan ang halaga ng araw.

We all have a story to tell, and that what makes one's life exciting.
Have a nice day kababayan!

September 23, 2012 1:46 AM

 
LUHA, LIGAYA, at LANGIT (by request)
Ni: Arvin U. de la Peña

Kabiguan na natamo
Luha man naging kapalit
Di pinanghinaan loob
Hinarap ang kapalaran.

Taas noo pinagyabang
Pagbangon mula ng iwan
Sa ligaya na nakamit
Kapiling ang bagong mahal.

Ang delubyo na sinapit
Parang bula na naglaho
Pagbuhos ulan sa buhay
Sikat ng araw pumalit.

Mistula ng lumilitaw
Langit na ang pakiramdam
Nangyari sa nakaraan
Sa isipan ay limot na.

Luhang tumulo sa mata
Nangyaring sama ng loob
Ligaya ngayon sa puso
Katulong Diyos sa langit.
Delete

Wednesday, November 7, 2012

Lumang Damit

"Ako ay nagbabalik mula sa isang buwan na bakasyon sa pag blog. At ito ang una kong handog sa inyo na laging bumibisita sa blog ko kung may post akong bago. Mula pa rin sa mapaglaro kong imahinasyon."

LUMANG DAMIT
Ni: Arvin U. de la Peña

Mula ng mag-aral si Enrique ay laging lumang damit na ang suot. Mga damit na pinagdaanan ng suotin na hiningi ng nanay niya sa mga kakilala. Iyon ay dahil wala silang pambili ng mga bagong damit. Ang nanay niya kasi ay isang labandera. Minsan pa may araw na wala siyang pinaglalabhan kaya walang pera. At ang tatay niya ay isang konduktor ng pampasaherong jeep. Kaya ang kita nila sa isang araw ay sapat lang.

Ang lumang damit na sinusuot niya ang dahilan kung bakit hindi siya nakikipagbarkada sa kapwa niya bata sa elementarya. Iyon ay dahil tinutukso siya sa kanyang suot. May mga bata kasi na kaklase niya at hindi na binigyan ng damit ang nanay niya ng magulang nila dahil humingi.

Hanggang sa pag high school ay ganun din ang mga kasuotan ni Enrique. Mga lumang damit na hiningi ng nanay niya. Iyon ang dahilan kung bakit ang crush niyang si Kristine ay hindi niya malapitan. Dahil ramdam niya na iiwasan siya. Higit sa lahat ay kilalang may kaya sa buhay sina Kristine at matapobre ang pamilya. Nakakaramdam siya ng selos kapag si Kristine ay nakakasama ng ibang ka school mate niya na may kaya rin sa buhay ang pamilya at higit sa lahat hindi luma ang suot na damit. Wala siyang magawa kundi tanggapin na ganun ang kalagayan niya.

Pagkatapos mag graduate ng high school ay nag-apply siya sa SM Department Store dahil walang pera ang magulang niya para pagpaaral sa kolehiyo. Habang nakapila siya sa pag-aapply ay kita ng dalawa niyang mata na siya lang ang may damit na luma. Nasa ganun siyang sitwasyon nakatayo dahil mahaba ang pila ng mga gustong mag apply ng bigla lapitan siya ng isang lalaki para lumayo ng konti at mag usap na sila lang.

Doon ay tinanong siya kung bakit lumang damit ang suot at may mantsa pa para sa pag apply. Walang pagkukunwari na sinabi niya ang totoo. Hinangaan siya ng lalaki na nakaranas din ng ganun na laging luma ang suot na damit noon na mataas pala ang katungkulan sa SM Department Store lalo na ng sabihin niya na "hindi naman nasa damit nakikita ang tunay na kakayahan ng isang tao. Kung ikaw ay nagpapakita ng pagiging maginoo at mabait kahit pa punit ang damit ikaw ay hahangaan."

Walang kahirap hirap na nakapasok siya sa trabaho sa tulong ng lalaki. Naging checker siya. Nakatulong siya sa kanyang magulang sa mga pangangailangan. Higit sa lahat nakabili siya ng mga bagong damit.

Sa buhay, huwag nating husgahan ang isang tao kung hindi man maganda ang kanyang kasuotan. Unawain natin siya at intindihin ang kalagayan. Marahil ay mayroon siyang pinagdaraanan kung bakit ganun ang pananamit niya. Higit sa lahat minsan ang magandang kasuotan ng isang tao ay balat kayo lang para sa gagawing hindi maganda sa kapwa.

Monday, October 8, 2012

Blog 4th anniversary

"We have only one birthday, all the rest are anniversary."


Ito ngayon ang pang 4th anniversary ng blog ko. Pagkatapos kong magkaroon ng blog war ay nakaugalian ko na kung sino man ang madalas mag comment sa blog ko bukod sa ka exchange link ay nilalagay ko ang pangalan at site ng blog nila sa e-mail ko. Kapag may bagong blogger na mahilig din mag comment sa post ko ay copy paste ko ang nasa e-mail at ilagay ang bago at send sa e-mail ko rin. Kapag gusto ko mag punta sa mga blog ay madalas sa e-mail ako dumaraan. Mula sa sent items ay doon click ko ang bloggers list at kung click ko ang isang nasa lista ay makita na ang blog niya. Minsan lang ako mag punta sa isang blog na sa blog list ako dumadaan. Kung bakit ko ginawa na isave sila na mahilig mag comment sa blog ko ay dahil tumatanaw ako ng utang na loob sa kanila sa mga pagbisita nila sa blog ko lalo na sa pag comment nila.

Visit me and I will visit you. Ganun ako sa blog world. Mas inuuna kong bisitahin ang mga nasa lista ko sa e-mail na mga bloggers kaysa sa iba. Noong October 8, 2010 ng mag post ako para sa 2nd anniversary ng blog ko ay 112 pa lang iyan na mga bloggers. Nasa comment sila nakalagay. Ngayon ay 315 na at ang masabi ko ay marami ang nadagdag. Pero sa mga iyan na makita niyo na mga bloggers list ko ang ilan sa kanila ay hindi na aktibo sa pag blog. Ang iba naman ay di na makita ang blog. Higit sa lahat marami sa kanila ang hindi ko na ramdam ang pagpunta nila sa blog ko. Ganun pa man ay nauunawaan ko sila. Siguro mauunawaan din nila ako kung bakit bihira na rin lang ako magpunta sa blog nila. Wala akong sama ng loob na hindi na sila katulad ng dati. Kasi mayroon din naman bloggers na masasabi kong hindi ako tinalikuran at alam ko naman na may mga iba pang darating na masasabi kong magiging kaibigan sa blog.

Para sa 4th anniversary ng blog kong ito ay nais kong pasalamatan ang lahat na bloggers na nasa lista. Salamat at naging bahagi kayo ng blog kong ito. Sakali mang  dumating ang araw na magsasawa na kayo sa pagpunta sa blog ko ang masabi ko lang ay salamat at minsan naging bahagi kayo ng Written Feelings.

At nasa comment po ang lista ng mga bloggers na nais kong pasalamatan.

Wednesday, October 3, 2012

Cybercrime Law


CYBERCRIME LAW
Ni: Arvin U. de la Peña

Mainit na usapin ngayon ang tungkol sa pagsasabatas ng Cybercrime Law dahil sa pagkakasingit ng libel. Hindi nga naman tama iyon. Dahil labag sa saligang batas under bill of rights. Higit na masakit ay dahil mas mabigat pa ang magiging kaparusahan sa ilalim ng Cybercrime Law sa libel case kumpara sa nasa saligang batas.

Ninais ni Ninoy na mapatalsik si Marcos para din maging malaya ang mga Pilipino. Magkaroon ng freedom of expression, freedom of speech. Nagtagumpay iyon ng mapatalsik si Marcos at maging pangulo si Cory. Bumalik sa pagiging demokrasya ang bansang Pilipinas. Ngayon nasaan ang pagiging demokrasya ng ating bansa kung mayroon Cybercrime Law na puwede doon makasuhan ng libel. Kung buhay lang si Ninoy at Cory siguro hindi iyon matutuwa na pinirmahan ng anak nila na pangulo ng bansa para maging ganap na batas ang Cybercrime Law.

Tuwid na daan ganun ang sinusulong ng kasalukuyang gobyerno, ang gobyerno ni Pnoy. Ngunit tuwid na daan ba ang pagkakatatag ng Cybercrime Law? Hindi ang sagot, dahil sa baluktot na daan iyon. Pagkat masyadong naging madali ang Cybercrime Law kumpara sa RH Bill o kaya ang Freedom of Information Bill na mas nauna pa pero hanggang ngayon hindi pa nagiging batas. Mabilis na naisabatas ang Cybercrime Law, kasingbilis ng kidlat. Kung gusto na maging batas ay madali maaprubahan pero kapag hindi ay mabagal. Ganun ba ang tuwid na daan? Kung nasa tuwid na daan ang Cybercrime Law ay hindi masyadong marami ang kokontra.

Dito sa Pilipinas masyadong marami ang gumagamit ng computer. Masyado ring marami ang may facebook. Kung mag like o share ka sa post na libelous ay kasama ka ng makakasuhan. Ano pa kaya kung mag comment ka. Paano pa kung hindi naman ikaw ang nag like, nag share, o kaya nag comment kundi ay ginamit lang ang pangalan mo. Ikaw ang madidiin o makakasuhan sa kasalanan na hindi mo naman ginawa lalo kung maimpluwensya ang kalaban. Hindi yata napag aralan ng mabuti para iyon maging batas.

Masyadong mahigpit ang batas na iyon. Hindi maganda para sa isang demokrasya na bansa. Daig pa ang Martial Law ng batas na Cybercrime Law. Ayaw ni Ninoy at Cory ng Martial Law pero gusto yata ng anak nila na si Pangulong Noynoy Aquino ng Martial Law ngunit sa ibang paraan nga lang.