
KOKAK NG KAMATAYAN
Ni: Arvin U. de la Peña
Kokak...kokak...kokak...kokak...palakas ng palakas ang tinig na iyon at parami ng parami. Tila nagbabadya na may mangyayaring di maganda. Kinakabahan ako ng gabing iyon. Sa isang bahay na kami lang dalawa ni Inay.
Kinabukasan nagising ako sa ingay ng mga tao na nagdaraan. Nang tingnan ko si Inay sa higaan niya ay wala. Agad ay bumaba ako para siya ay hanapin.Nalaman ko sa mga tao na nagdaraan na pupunta sila sa tabi ng ilog para kumita sa taong napatay. Warak daw ang dibdib at kinain ang puso ng tao. Sa pagpunta ko doon nagulat ako sa aking nakita. Totoo yata na may aswang. Doon ko rin nakita si Inay. Nakiusyoso din pala siya sa nangyari.
Nang araw na iyon naging usap-usapan agad ang nangyari. Pati sa kabilang baryo ay umabot ang usapan. Wala silang alam na suspek kahit isa. Mag-iingat na lamang daw at kung maaari ay huwag ng lumabas ng bahay kapag hating-gabi na.Kumakain kami ni Inay ng tanungin ko siya kung nakarinig din ba siya ng kokak ng mga palaka kagabi. Nagulat ako sa naging sagot niya dahil wala raw siyang narinig. Eh! sa palagay ko sigurado ako na kahit tulog ay magigising dahil sa masyado talagang malakas at maraming kokak ang naririnig ko.
Isang linggo ang lumipas muli nakarinig na naman ako ng kokak ng mga palaka sa hating-gabi. Katulad rin noong una kong marinig ang mga iyon. Palakas ng palakas at parami ng parami. Nasa isip ko sana di mangyari ang hinala ko na may papatayin na naman.Muli pagkabukas nagising na naman ako sa ingay ng mga tao. Nang tingnan ko naman si Inay sa higaan niya ay wala. Usap-usapan ng mga tao ang taong pinatay sa may puno ng akasya. Ang pagkakapatay ay katulad din daw sa taong pinatay sa tabi ng ilog. Aswang daw ang may kagagawan.
Sa pagpunta ko sa may puno ng akasya. Muli ay nakita ko na katulad talaga ang pagkakapatay isang linggo na ang nakakaraan. Warak ang dibdib at wala ng puso ang tao. At si Inay nakita ko na naroon din.
Naglilinis ako ng bahay ng si Inay ay tanungin ko rin tungkol sa kokak ng mga palaka. Tulad din ng dati ang naging sagot niya. Wala siyang naririnig na mga kokak ng palaka.Naulit pa ng naulit iyon. Na sa bawat pakakarinig ko ng kokak ng mga palaka pagkabukas ay may patay na tao na warak ang dibdib at wala ng puso. Gusto kong ikuwento sa mga tao na kapag ako ay nakakarinig sa hating-gabi ng mga kokak ng palaka ay may patay pagkabukas. Ngunit hindi ko magawa dahil baka pagtawanan lang nila ako.
Minsan isang hating-gabi nakarinig na naman ako ng kokak ng mga palaka. Kinakabahan ako ng gabing iyon at di mapakali. Naisipan kong tingnan si Inay sa kanyang higaan. Nagulat ako dahil wala siya roon. Hinalugad ko ang buong bahay wala talaga si Inay. Gusto kong lumabas ng bahay para siya hanapin ngunit naghari ang takot sa akin. Nagdasal na lamang ako na sana walang masama na mangyari sa kanya.Muli, nagising na naman ako sa ingay ng mga tao. Agad pumasok sa isip ko si Inay dahil wala siya kagabi ng marinig ko ang mga kokak ng palaka. Habang papunta ako sa pinangyarihan ay kinakabahan ako. Lalo na ng makarinig ako na ang pinatay na babae ay halos magkasing-edad lang ni Inay.
Laking pasasalamat ko na lang ng hindi si Inay ang pinatay ng aswang. Ngunit ng makita ko si Inay ay di katulad noong dati ko siyang nakikita kapag may pinapatay ang sinasabi nilang aswang. Dahil si Inay ng makita ko ay may mga kaunting sugat sa katawan. Lalo na sa kanyang mga kamay. Para siyang nakipaglaban. Gusto kong lapitan si Inay sa oras na iyon para alamin kung bakit nagkaganun siya. Pero di ko na lang ginawa. Hanggang sa pag-uwi ng bahay hindi ko na siya tinanong. Naging palaisipan na lang sa akin kung bakit nagkaroon siya ng mga kaunting sugat.
Kokak...kokak...kokak...kokak..."Huh!", ito na naman ang kokak ng mga palaka. Sana bukas ay walang tao na patay na warak ang dibdib at wala ng puso.