Tuesday, February 10, 2009

Tsinelas

"Kung bakit naisulat ko ang kuwento na Tsinelas ay dahil nakapagsulat ako ng kuwento na ang pamagat ay Sapatos. Iyon po ang dahilan kung bakit nakapagsulat ako ng ganito ang pamagat."


TSINELAS
Ni: Arvin U. de la Peña

Naglalakad ako isang araw ng may madaanan akong isang batang babae at umiiyak siya. Malakas ang kanyang pag-iyak. Siguro siya nasa sampung taong gulang, katulad ko. Dahil naawa ako sa kanya ay nilapitan ko siya para tanungin bakit siya umiiyak.

Kinuha daw ng limang bata rin ang isa niyang tsinelas. Pinagtulungan daw siya para kunin ang isa niyang tsinelas at saka umalis. Natatakot daw siya na umuwi sa kanila dahil papagalitan siya. Palibhasa ay may pera ako ng araw na iyon ay sinabihan ko siya na bibili na lang ako ng bago. Laking tuwa niya ng marinig ang sinabi ko.

Habang papunta kami sa tindahan na bibilhan ng tsinelas ay ikinuwento niya sa akin ang pagkatao niya at ano ang pangarap niya sa buhay. Sheryl Reyes daw ang pangalan niya. Paglaki daw niya ay nais niyang maging isang lawyer para experto sa batas. At ako naman ay sinabi ko sa kanya na paglaki ko ay nais kong maging isang pulis para makatapagtanggol sa mga naaapi. Kulay asul ang pinili niyang kulay ng tsinelas. Nang tanungin ko siya kung bakit iyon ang pinili niya ay dahil daw iyon ang paborito niyang kulay. Ibinigay niya na lang sa akin ang tsinelas niya na wala ng kapares para hindi daw malaman ng mga magulang niya ang nangyari. Pinasalamatan niya ako sa pagbili ko ng bagong tsinelas para sa kanya. Pinasakay ko pa siya ng tricycle pauwi sa kanila.

Nang nasa amin na ako ay iniisip ko kung ano kaya ang nangyari sa kanya kung hindi ko siya binilhan ng tsinelas. Papaluin kaya siya ng kanyang mga magulang o pagagalitan lang kung bakit nagpa-api sa mga bata ring katulad niya. At ang tsinelas na binigay niya sa akin ay inilagay ko sa supot at ito ay itinago sa pagbabakasakali na pag lumaki na kami at muling nagkita ay ibibigay ko sa kanya ang tsinelas.

Labing-limang taon ang lumipas habang ako ay nasa departamento ng mapansin ko ang nasa headline sa diaryo. List of new lawyers. Nang basahin ko ang nasa top ten ay nabasa ko ang pangalan na Sheryl Reyes. Agad ay natanong ko sa sarili kung ito kaya ang binilhan ko ng bagong tsinelas noon. Sinabi niya kasi na paglaki niya ay gusto niyang isang maging lawyer.

Palapit na ang pasko ng ako ay magbakasyon sa aming lugar. Nang makausap ko ang aking kaibigan agad ay naitanong ko kung kilala niya ang bagong lawyer na si Sheryl Reyes. Hindi naman ako nabigo dahil kilala daw niya. At ang kanyang opisina ay malapit lang daw. Itinuro pa niya sa akin kung saan ko matatagpuan ang opisina niya.

Bigla isang araw ay naglakas loob akong puntahan siya dala ang tsinelas. Nang makaharap ko siya agad ay kinumusta ko at nagpakilala na ako ang bata din noon na bumili sa kanya ng bagong tsinelas dahil kinuha nga sa kanya ang isang kapares ng tsinelas niya. Ipinakita ko pa sa kanya ang tsinelas niya noon. Agad ay napatawa siya at nagsabi na kaybilis talaga ng panahon at ito kapwa na kami malaki.

Nagkuwentuhan kami sa mga pangyayari sa buhay. At kung paano natupad ang pangarap na binuo mula pa pagkabata. Habang kausap ko siya ay nasasabi ko sa sarili na maganda siya at nais kong ligawan balang araw.

Nasa kasarapan kami ng pag-uusap ng bigla sumingit ang katulong niya at nagsabi na si Alexis raw ay nasa telepono at nais siyang makausap. Agad ay naitanong ko sa sarili kung sino ang Alexis na iyon.

Ilang minuto pagbalik niya ay kita ko sa mukha niya ang kasiyahan. Nang tanungin ko siya kung sino si Alexis agad ay sinabi niya na kasintahan daw niya at pupunta daw pagkatapos ng pasko para mamanhikan sa kanila. Ipinakita pa niya sa akin ang engagement ring nila.

Nanghina agad ako ng sabihin niya iyon. Parang di ko matanggap na huli na pala ako sa buhay niya. Nangarap pala ako ng maaga para sa kanya na sa wala lang mapupunta.

Nang magpaalam na ako para umalis ay dinala ko ang tsinelas niya noon. Di ko na lang ibinigay sa kanya. Sinabihan pa niya ako na kung ikasal daw siya ay imbitahin niya ako.

Habang naglalakad ako ay napakalungkot ko. Kaya naisipan kong pumunta sa tabing dagat para doon ay mag isip-isip. Nang nasa tabing dagat na ako ay kinuha ko ang tsinelas sa supot at pinagmasdan. Doon ay inalala ko kung bakit napunta ito sa akin. At ilang sandali ay itinapon ko ang tsinelas sa dagat.

Habang kita ko na naaanod palayo ang tsinelas ay nasasabi ko sa aking sarili na palayo na rin ang puso ko kay Sheryl dahil may kasintahan na pala siya. Wala na palang pag-asa na siya ay maging akin at alagaan ng mabuti. Katulad ng pag-aalaga ko sa tsinelas niya na di mawala sa akin.

Nang di ko na makita ang tsinelas saka ako ay tumalikod para umalis na. At ewan ko lang kung dadalo ako sakali na siya ay ikasal na.

No comments: