Thursday, February 5, 2009

Bigong Pangako

"Masakit ang pakiramdam kapag nalaman mo na ikakasal na ang tao na minsan pinangarap mo na maging kasama sa buhay."

BIGONG PANGAKO
Ni: Arvin U. de la Peña

Sabi mo sa akin ay babalikan mo ako. Pupunta ka lang sa malayong lugar para doon hanapin ang buhay na siyang nais mo. At pagtagal ay babalik ka para muli ay idugtong ang naputol nating relasyon. At iyon ay inasahan ko. Sampung taon na hindi ako nagmahal ng iba dahil umaasa ako sa pangako mo. Dahil ikaw lang at wala ng iba ang mahal ko. Alam mo iyon di ba?

Heto at umuwi ka. Akala ko makakaasa ako sa pangako mo. Pero hindi pala dahil ikaw ay umuwi para ikasal. Masakit sa akin ang ganun. Para akong tanga na naghintay sa wala. Di mo man lang inisip na masasaktan ako.

Bakit naging ganun ka sa akin. Lagi ko tuloy natatanong sa aking sarili. May mali ba ako? Kung may mali man ako bakit hindi mo sabihin sa akin. Para mapag-isip-isip ko ang kamalian. Pero hindi mo ako sinasagot.

Ilang araw na lang ay ikakasal ka na. Habang papalapit ang iyong kasal unti-unti nanghihina ako. Dahil ikaw ang sigla ko noon pa man. Halos araw-araw mula ng umuwi ka at malaman na ikakasal ka sa iba ay napapaluha ako habang tinitingnan ang mga larawan natin noon. Mga larawan noong tayo pang dalawa at laging masaya. Di ko alam kung itatapon ko ang mga larawan pagkatapos ng iyong kasal.

Hiling ko na lang sana ay lalo ka pang sumaya sa kanya. Hindi ka niya bigyan ng mga problema. Dahil tiyak na masasaktan ako kapag nalaman ko na may nangyari sa iyo na di maganda.

At pagkatapos ng iyong kasal ay aalis rin ako sa lugar na ito. Para unti-unti makalimutan ko ang lahat na may kaugnayan sa atin. At sa aking pag-alis ay dala ko ang tanong kung bakit ako ay ipinagpalit mo sa iba na hindi ko man lang alam ang dahilan.

No comments: