Friday, January 2, 2009

Basura Sa Lansangan

( Ayaw ko na makaramdam ka ng awa sa akin kapag binasa mo ito. )

BASURA SA LANSANGAN
Ni: Arvin U. de la Peña

Napakahirap ng buhay ko. Marahil ay basura sa lipunan kung tawagin. Naglalakad at palabuy-laboy sa kalye na walang patutunguhan. Pumupunta ako sa mga basurahan para mamulot ng puwede makain o kaya namumulot ng puwede na maibenta ng magkaroon naman ako ng pera. Minsan naman ay umuupo ako sa lansangan para manghingi ng pera sa mga nagdaraan na tao. Araw-araw ay iyon ang buhay ko. Wala akong permamenteng tirahan at matutulugan. Gustuhin ko man na baguhin ang buhay ko ay wala akong magawa. Dahil ito ang kinagisnan kong buhay. Namulat ako at nagkaisip na ganito na ang buhay ko. Tandang-tanda ko pa na noon ay karga-karga pa ako ng aking mga magulang habang sila ay namamalimos.

Sa buhay ko na ito ay di ko maiwasan ang di mainggit sa kapwa. Masaya at maayos ang buhay nila kumpara sa akin. Tuloy natatanong ko minsan sa sarili na bakit hindi pantay-pantay ang buhay ng tao. May mayaman at may mahirap. Mayroon naman maayos ang kalagayan sa buhay at hindi. Napakaraming bakit ang tanong ko sa sarili na hindi pa nahahanapan ng kasagutan.

Sa patuloy ko na pakikipagsapalaran sa buhay na ito ay masasabi ko na napag-iiwanan talaga ako ng panahon. Lalong naiiwanan sa mga makabagong teknolohiya. Hanggang tingin lang ako sa tinatawag na cellphone o kung ano pa. Kailanman ay di pa ako nakakahawak ng ganun na bagay. Napakahirap talaga sa akin ang magkaroon ng pera. Di katulad ng iba na madali lang.

Minsan naiisip ko na wakasan na lang ang buhay ko. Para matapos na ang paghihirap ko. Pero natatakot akong gawin iyon. Naduduwag ako na wakasan ang buhay ko samantalang di ako naduduwag na marumi, naglalakad sa kalye at nanghihingi ng pera. At kapag gabi na ay madalas pumapatak ang luha sa aking mga mata kung bakit naging ganit ako. Lalo na kung sa araw na iyon ay kaunti lang ang nakain ko.

Kahit ako ay ganito ay umaasa pa rin ako na darating ang araw na mag-iiba na ang takbo ng buhay ko. Matutupad ang pangarap ko na makaahon sa mundo kong kinagisnan. Dahil habang may buhay ay may pag-asa. Iyon lagi ang nasa isip ko. Kung kailan darating iyon ay hindi ko alam. Basta ang mahalaga sa ngayon ako ay nabubuhay.

Marahil ay nakita at nadaanan niyo na ako sa lansangan.


No comments: