SAPATOS
Ni: Arvin U. de la Peña
Madalas sa kanilang paaralan ay pagtawanan si Cedric. Siya ang madalas punahin ng kanyang mga kaklase. Iyon ay dahil sa kanyang suot na sapatos. Paano kasi ang sapatos niya ang nabubukod tangi sa iba. Bukod sa ito ay luma na ay ito pa ang sapatos ng kanyang tatay noon. Bukod na malaki sa kanya ng konti ay halata na kupas na talaga ang sapatos niya. Gustuhin man niya na magpabili ng bagong sapatos ay wala silang pera para sa sapatos. Palibhasa ay 4th year high school na at siya ang panganay na anak ay madalas sabihin niya sa sarili na matatapos na rin ang pagsusuot niya ng lumang sapatos dahil hindi na siya kaya pang papag-aralin ng kanyang mga magulang sa kolehiyo.
Mabait at masipag si Cedric na estudyante sa paaralan. Isa siyang working student. Siya lagi ang huling umuuwi na mag-aaral dahil sa marami pa siyang ginagawa pagkatapos ng klase. Minsan habang kausap niya ang kaklase na si Tessie sa may canteen habang recess bigla ay sinigawan siya ng kanyang mga mapagbirong classmate ng "Cedric ang sapatos mo ay palitan mo na." Agad ay napatingin si Tessie sa suot na sapatos ni Cedric at agad ay napatawa si Tessie. Akala agad ni Cedric ay minaliit ni Tessie ang sapatos niya. Nagulat siya ng magsalita si Tessie sa kanya ng " huwag mo na lang sila papansinin. Gawin mong inspirasyon ang sapatos mo para ikaw ay magtagumpay sa buhay." Naantig ang puso ni Cedric sa sinabi na iyon ni Tessie. Gusto niya itong yakapin pero di niya magawa. Sinabihan na lang niya si Tessie ng "maraming salamat."
Pag-uwi ni Cedric sa kanilang bahay ay dala-dala pa rin niya sa isip ang sinabi ng kaibingan niyang si Tessie. Tiningnan niya ang kanyang mga magulang, mga kapatid, at ang bahay nila. Nasabi niya agad sa sarili na sana nga magtagumpay siya para naman umangat ang buhay nila.
Habang papalapit na ang graduation ay lalong nagiging excited si Cedric. Iyon ay dahil pipilitin niya na makapag-aral siya sa kolehiyo. Sa isip niya ay kung nagawa niya na maging isang working student sa high school ay magagawa niya rin iyon sa college. Para naman kahit paano ay makapag-aral siya sa kolehiyo na hindi nagawa ng mga magulang niya. Sa isip rin niya na kapag siya ay nagtagumpay ay papag-aralin din niya ang apat pa niyang kapatid.
Lalong napalapit sa isa't-isa sina Cedric at Tessie. Madalas na silang magkasama. Ang iba nga niyang mga kamag-aral ay naiinggit sa kanya dahil bakit daw ang mayaman na si Tessie ay napalapit ang loob kay Cedric na isang mahirap lang. At muli kapag napapadaan o nadaraanan sila ng mga kaklase niyang mapagbiro ay pinaparinggan agad siya na magpalit na nga sapatos.
Isang araw bago ang graduation ay pinuntahan si Cedric ni Tessie sa bahay nila. Nag-usap sila ng masinsinan. Naging seryoso ang kanilang pag-uusap. Halos mapaluha si Cedric ng sabihin ni Tessie na pagkatapos ng graduation ay pupunta na siya sa Amerika at doon na papag-aralin ng mga magulang niya at doon na rin daw siguro titira. Mamimiss daw niya si Cedric at muli ay sinabihan siya na gawing inspirasyon ang sapatos para sa pagtatagumpay. Nang aalis na si Tessie ay sinabihan niya ito ng " I Love You" na agad ikinatawa ni Tessie at saka umalis na.
Araw ng graduation ay kita ni Cedric na halos lahat ay bago ang suot na mga sapatos ng mga kasabay niyang gragraduate. Lahat ay makikintab bukod sa sapatos niya. Pansin niya na ang sapatos lang talaga niya ang luma. Gusto niyang mapaluha na kahit sa graduation na pinakahihintay ng lahat na mag-aaral ay ganun pa rin ang sapatos niya pero hindi niya magawa. Wala rin siyang karapatan na pilitin masyado ang mga magulang niya na bumili ng bagong sapatos sa araw ng graduation dahil wala talagang pambili.
Nang isa-isahin na ang pagtawag sa pangalan ng gragraduate ay lalong na excited si Cedric. Lalo na ng tawagin na ang pangalan niya. Paghawak niya ng diploma agad ay napalingon siya sa mga kaklase niya lalong-lalo na kay Tessie.
Pagkalipas ng ilang araw at ng makuha na ang mga dapat na kunin sa paaralan para gamitin pag enroll sa college ay agad napaluwas ng Manila si Cedric sa tulong ng kanyang tiyuhin.. Doon ay nagtrabaho muna si Cedric ng dalawang taon sa isang kompanya at pagkatapos ay nakapag-aral na siya sa isang unibersidad bilang isang working student sa kursong civil engineering. Muli habang siya ay nag-aaral ay ang lumang sapatos pa rin ang kanyang suot. Nasanay na kasi siya na iyon lagi ang isuot kapag nag-aaral.
Madaling lumipas ang apat na taon. Nang maging ganap ng engineer si Cedric agad ay nakapagtrabaho siya sa isang construction firn. Nagpapadala na lang siya ng pera para sa mga magulang niya at mga kapatid na nag-aaral. Dahil maabilidad at magaling dumiskarte si Cedric unti-unti ay nagkaroon siya ng sarili niyang construction firm. Tinawag niya itong SAPATOS CONSTRUCTION FIRM na naging sikat naman at marami ang kumukuha para magpagawa ng kung ano.
After 12 years, class reunion nila ay umuwi si Cedric na dala ang napakaraming sapatos para ibigay sa kanyang mga naging kaklase. Hinangaan siya sa pagtagumpay nito sa buhay. At ng tinanong siya kung bakit namigay ng mga sapatos ay sinabi niya na ang sapatos na suot-suot niya noong nag-aaral pa ng high school ang naging inspirasyon niya sa paalala na rin ni Tessie. Napagtatawanan na lang nila ang mga dating pagbibiro noong high school days pa nila.
Habang sila ay nagkakasiyahan at nag-iinuman bigla ay may pumarada na isang magarang kotse. Pagbukas ng pinto agad ay nakilala nila si Tessie na 12 years ring hindi sumali sa class reunion nila. Doon ay kinumusta nila agad si Tessie. Gayundin si Tessie ay kinumusta ang mga ka batch niya sa high school. Pagtingin ni Tessie kay Cedric agad ay binati niya ito sa pagkakaroon ng SAPATOS CONSTRUCTION FIRM.
Habang tumatagal ang kasiyahan at ang iba ay mga lasing na agad ay nakiusap si Cedric kay Tessie na mag-usap sila na malayo ng kaunti sa mga ka batch nila para hindi marinig ang pag-uusap nila. At pinagbigyan naman siya ni Tessie. Nagkuwento sila sa isa't-isa sa pangyayari sa buhay sa loob ng 12 years. Pinasalamatan ni Cedric si Tessie sa sinabi nito noon na gawing inspirasyon ang sapatos para magtagumpay dahil iyon ay ginawa niya talaga.
At ng aalis na si Tessie para pumunta sa mga ka batch niya ng bigla ay hawakan siya ni Cedric sa balikat at sinabihan si Tessie ng "I LOVE YOU" na agad ay sinagot ni Tessie ng "kailan mo ako pakakasalan."
Hindi nila mapigilan ang sarili na hindi tumawa sa isa't-isa.