Wednesday, August 29, 2012

Tambayan (siday)

"Hindi talaga maiiwasan na may mga tao na mahilig magbigay ng malisya sa kung anong nakikita o nababasa."


Ito na po ang huli kong pag post ng tula o siday kung tawagin sa Waray. Pagkat masama ang loob ko. Hindi ko na ipagmamalaki ang salitang Waray kahit ako ay Waray. Mabuti pa ang mga Tagalog kasi marunong umunawa. Sapagkat napansin ko na talagang hindi mabuti ang ibang mga Waray. Sa facebook po ay nag join ako sa group Tambayan Hin Mga Waray na ang mga members doon ay pawang mga Waray. At para sa first anniversary ay nagkaroon po ng Mr. and Miss. Tambayan 2012. Sa talent portion po ay ang paggawa ng tula/siday na ang theme ay about tambayan. Masakit sa kalooban na pagkatapos ng halos isang buwan mula ng isulat ko ng isubmit ko na ay hindi raw tanggap dahil may bahid politika daw ang sinulat ko. At ang isa ang opinyon na admin din ay irrelevant daw. Dahil doon ay hindi puwede ma post ang sinulat ko ng admin sa facebook group. 

Napakamalisyoso ng pag iisip ganun ang palagay ko sa kanila. Ang sa akin lang sana kung palagay nila ay may bahid politika o irrelevant ay masali ang sinulat ko para sa talent portion ng sa ganun ay ma post doon sa group kahit na bawas na ng puntos. Tutal ay mayroon naman mga judge para sa tula/siday na magdesisyon pero sila mismo na ilang admin ang nag desisyon na huwag isali ang sinulat ko. May mga nakaka chat akong admin dahil ang admin ay almost 30 yata at ang sabi ay majority daw ay accept ako. Wala silang magawa dahil sa founder. Kung ano ang gusto ng founder iyon dapat. Sunod-sunoran ang mga admin sa kung ano ang gusto ng founder. Hindi na lang sila umiimik. Ang mga nagsasalita laban sa akin na ilang admin ay matatawag na sipsip sa founder. Hindi puwede ma post ang sinulat ko doon para din mabasa ng mga members. Ang sabi din ng dating admin na naka chat ko ay di talaga mabuti ang ugali ng founder dahil kapag tapos ka na niyang gamitin sa group as admin ay ilaglag ka, hindi na maging admin kung di na magustuhan. Nanghihingi pa daw ng pondo para sa group. Kahit ikaw ay admin at nagbigay ng pondo para sa group ay puwede ka na ilaglag kapag sumalungat sa gusto ng founder. Ganun kasama ang ugali ng founder.

Nilaglag ako ng group na iyon. Anong klaseng patimpalak iyon. Mula ng masali ako sa contest ay halos bawat pag punta ko ng internet cafe ay focus sa facebook at tingin kung ilan na ang likes ko at message sa mga kakilala na elike ako at mag request sa kanila na maging member ng group tapos masasayang lang pala. Halos nakalimutan ko ang pag blog sa halos isang buwan. Sa mga makakabasa nito maging bloggers man o hindi kapag may makita kayo about sa group na iyon na sila ay nagsasama sama ay huwag kayong humanga na sila ay may pagkakaisa. Dahil para sa akin hindi sila dapat hangaan. Lumalaglag sila ng kasamahan sa grupo. Nagpapakita ng hindi magandang asal. 

Akala nila sobra ng sikat ang group nila. Kayabangan ang ganun na akala nila sobra ng sikat ang group. Akala nila ay pang habang buhay ang facebook. Ang facebook ay pagtagal ay kukupas pero ang blog ay hindi, laging mananatili. Ungroup ko na iyon dahil basura lang sa notification ng facebook ko. At sa mga kaibigan ko sa facebook na nag request ako na maging member kayo ng page na iyon ay humihiling po ako na sana ay ungroup niyo na rin iyon.

Ang group na iyan ay naka register sa SEC. May Hong Kong chapter na at KSA chapter na minsan nakikita ko ang banner habang nagtitipon sila o di kaya may pagkikita kita. Dahil SEC register ibig sabihin ay legal ang group. Iyan lang yata ang facebook group na pina register sa SEC. Puwede na sila makapag fund raising, puwede makabigay ng solicitation letter sa isang tao lalo na kung politiko para sa kung anong plano ng group at diyan mag-uumpisa ang corruption. Baka ang group na ito pagtagal ay sumali sa party list kung election. Malaking banta kung ganun para sa An Waray party list. Kaya ngayon pa lang sa mga sumusuporta sa An Waray party list kung member kayo sa group na iyon ay mas mabuti pang magpa ungroup kayo dahil para sa akin hindi mabuti ang group na iyon. Baka ma brain wash pa ng mga namumuno ang isipan niyo. 

Sinabihan nga ako ng founder sa pag chat namin noon na kung maging aktibo ako sa group ay puwede daw na magtatag ng chapter sa aming lugar at may pondo daw. Ako ang hahawak sa chapter sa aming lugar pero umayaw ako dahil ayoko na maging utusan ng kung sino lang. Mabuti kung inuman puwede ako pumayag na utusan bumili ng San Miguel Beer o kaya Red Horse. Nakakasuklam ang facebook group na iyon. Mistulang sagmaw na dapat ng ipakain sa baboy. Ito ang sinulat ko na inayawan ng ilang admin lalo na ng founder.

Tagalog:

TAMBAYAN
Ni: Arvin U. de la Peña

Sa tambayan ng mga apo ni Datu Gara
Ang mga usapin ay walang katapusan
Pinapauwi ng ina para kumain
Pinupuntahan ng itay para pagalitan.

Ang mga minamahal pinapaalam sa mga kaibigan
Kapag nalulungkot ay kusang nawawala na lang
Inuman na inuumaga minsan
Pangarap ay unti-unti nararating.

Nalalaman ay masyadong marami
Sa pagtirador sa pusa na gala
Pagpunta ng tao mula isang lugar para makipag asawa
Pagnanakaw ng pera ng matabang babae sa bayan.

Sa kung anuman ay hindi nawawalan ng pag-asa
Mga kaibigan ay handang tumulong
Salita na parang ginto sa pandinig
Dibdib ay parang binabaril.

Kahit saan man na mapunta
Sa ibayo ay iba-iba ang makaharap
Sakit at saya na nangyari
Ang tambayan hindi makakapagsinungaling.


Waray:

TAMBAYAN
Ni: Arvin U. de la Peña

An tambayan han mga apo ni Datu Gara
Istoryahon waray wantas
Gin papauli han nanay para kumaon
Gin kakadto han tatay bubusaan.

Higugmaon pinapabaro ha kasangkayan
Kon nabubudlay nawawara nala
Irignom nga gin aagahan usahay
Hingyap hinay-hinay nahihikaptan

Nababaruan damo hin duro
Pagsantika han misay nga layaw
Pagtabok taga Barugo para mangasawa
Pangawat hin kuwarta ha bungto han matambok nga babaye.

Paglaum ha kon ano la diri nawawarayan
Mga sangkay andam bumulig
Yakan nga bagan bulawan pamation
Dughan sugad hin gin pupusil.

Bisan diin man mahingain
Ha langyaw duro dilain nga tawo makaharampang
Kasakit ngan kalipay nga nahitabo
Tambayan diri gud makakapaglirong.

Tuesday, August 21, 2012

Dukha (by request)

Ito ay pagbibigay daan para sa request ng blogger na si Jessica ng http://uberjessicalopez.blogspot.com/. Ginawa niya po ang pagrequest para sa post kong Sana'y Laging Magkapiling (by request).

Blogger Jessica said...
NAKS. pwede ako din??? hehehehe

July 7, 2012 7:34 AM


"Magkaiba man ang buhay ng bawat isa, tao pa rin."


DUKHA (by request)
Ni: Arvin U. de la Peña

Nadaanan ko na ang walang pera
Sa nais bilhin hanggang tingin lang
Sinusulyapan ko na lang ang mga bumibili
Nakangiti habang hawak na ang binili nila.

Ang malipasan ng gutom dahil walang pambili
Alam ko talaga ang pakiramdam
Mahapdi sa tiyan
Walang magawa kundi tiisin muna.

Mga magnanakaw ay nauunawaan ko sila
Dahil alam ko pakiramdam ng walang makain
Maraming beses na rin nakatulogan ko na lang pagkagutom
Katulad din ng iba pa.

Nasasaktan ako kapag may nakukulong dahil nagnakaw
Pagkat hindi sila naging katulad ko
Kahit walang mabili at makain minsan
Natutunan kong tiisin ang ganun.

Kung anuman ako ngayon
Maging anuman sa hinaharap na buhay
Ang mga dukha ay patuloy kong lilingunin
Hanggang sa tuluyang pagpikit ng mga mata ko.
Delete

Monday, August 13, 2012

Tuloy Ang Buhay

"Bago ang lahat ay nais kong magpasalamat kay Itin ng http://missacidic.blogspot.com/ dahil siya ang bago kong advertiser. Ibig sabihin isa na siya sa Written Feelings Sponsor. May pera akong natanggap sa kanya para sa paglagay ko ng badge ng blog niya sa sidebar ng blog ko. I love blog, her weird state of health and her sarcastic humor."

Ang larawan na makita ay nakita ko sa facebook sa mga pag share sa kasagsagan ng habagat sa Metro Manila at karatig na lugar.
 TULOY ANG BUHAY
Ni: Arvin U. de la Peña

Lupit ng kalikasan man ang dumating
Huwag lang tayo panghinaan ng kalooban
Sa bawat pangyayaring hindi kanais-nais
Lahat ng iyon ay may pagtatapos.

Matuto tayong tumanggap sa mga kalamidad
Isipin na ang mga iyon ay pagsubok
Dito sa mundong ibabaw
Hindi nagwawagi ang umaayaw.

Bagyo, lindol, at habagat man
Dulot ay matinding panganib
Kaba na sa sarili nararamdaman
Huwag masyado na ito ay dibdibin.

Ituloy pa rin ang pagharap sa buhay
Ipakita sa lahat na tayo ay matatag
Kapalit ng pagsisikap na makabangon
Bagong buhay at pag-asa ang naghihintay.

Magtulungan lang makakaahon rin sa dinaranas
Ang krisis unti-unti malalagpasan
Hindi tayo pababayaan ng poong maykapal
Sa bawat sandali siya ay ating gabay.

Sunday, August 5, 2012

Balikbayan Box

"Sa buhay hindi mahalaga ang kung anong mayroon ka. Ang mahalaga ay iyong may respeto ang tao sa iyo."

BALIKBAYAN BOX
Ni: Arvin U. de la Peña

Ang pagdeliver ng mga balikbayan box ang trabaho ni Noel. Sa bawat bahay na kanyang pinaghahatiran ng balikbayan box kasama ng driver at ang pahinante ay pansin talaga niya na tuwang-tuwa ang mga nasa bahay. Naririnig pa niya minsan sa iba't ibang pinaghatiran ang mga salita na "chocolate na naman", "nariyan sa loob ang pabango kong hingi", "bagong dvd mula kay ate", "touch screen na cellphone", "new model ng iphone galing kay daddy", "corned beef at kung anu-ano pang de lata na naman ang lagi nating mauulam", "mga bagong t-shirts at pantalon na naman", at kung ano pa na mga salita na nakakainggit pakinggan.

Sa tuwing aalis na si Noel mula sa bahay na hinatiran ng balikbayan box ay minsan nakikita niya ang ibang mga tao na nakatingin banda sa kanila. At alam niya ang mga nasa isip at usapin ay patungkol sa balikbayan box. Dahil hindi naman lahat ng bahay ay mayroong nasa abroad na nagtrabaho na maaaring makapagpadala ng balikbayan box.

Minsan habang kumakain sila ng pamilya ay tinanong siya ng kanyang anak na walong taong gulang kung kailan raw sila magkakaroon ng balikbayan box. Nang sa ganun raw makatikim ng imported na chocolate. Sinabihan lang niya ang kanyang anak na "malapit na".

Kinabukasan ay maagang pumasok si Noel. Tinawagan niya ang kanyang driver at ang pahinante na maghintay na lang sa kanilang bahay dahil dadaanan niya. Siya na lang muna ang mag drive. Dala ang mga balikbayan box ay nagmaneho si Noel. Pumunta muna siya sa kanila na wala doon ang misis niya at ang anak na babae dahil namamalengke. At doon ay binaba niya ang isang balikbayan box na alam niya maraming chocolate dahil para kay Ginang Pascual na ang dalawang anak na babae ay nandoon sa Amerika at ikinuwento sa kanya na ang bawat padalang balikbayan box ay maraming chocolate ang laman kasi iyon ang paborito niya.

Pagkatapos malagay sa loob ng bahay ang balikbayan box ay agad tinawagan ni Noel ang driver na papunta na siya ganun din ang pahinante para mag umpisa na sila maghatid ng mga balikbayan box. Bawat bahay na kanilang pinaghahatiran ng balikbayan box ay kung ano ang kasiyahan na nararamdaman ng mga tao sa bahay ay nasasabi niya na mararamdaman na rin ng anak niya.

Pag-uwi ni Noel galing sa trabaho ay agad nakita niya ang misis niya at ang anak na malungkot at nakatingin sa balikbayan box. Ipinaliwanag niya ang dahilan. Ngunit sinabihan siya ng kanyang anak na di bale ng hindi makatikim ng imported na chocolate basta huwag lang daw siyang mawalan ng trabaho. Ganundin ang sinabi ng misis niya dahil tiyak malalaman din pagtagal ang ginawa niya kung hindi makarating ang balikbayan box na para kay Ginang Pascual. Doon ay napag isip-isip ni Noel na tama ang sinabi ng misis niya at anak. Kung malaman ang ginawa niya at matanggal sa trabaho ay wala siyang maipapakain sa kanyang pamilya. At isa pa ay mahihirapan siyang makahanap uli ng trabaho lalo na kung may bad record na siya. Niyakap ni Noel ang kanyang misis at anak at humingi ng patawad.

Ang buhay ng tao ay hindi pantay-pantay. May mayaman at may mahirap. Masuwerte ang mga tao na ng isilang ay may kaya ang pamilya dahil hindi na siya masyadong magbabanat ng buto para mabuhay. Kung ano ang kailangan ay nagkakaroon agad ng katuparan. Samantala kung ng isilang ay mahirap tiyak kakayod ng husto para mabuhay. Matinding pagsakripisyo ang mangyayari. Ganunpaman kung anuman ang buhay mayroon tayo ay huwag tayong mainggit sa ibang tao. Tanggapin natin kung anong uri ng buhay mayroon tayo, mayaman man o mahirap. Sapagkat kung anuman ang mayroon tayo dito sa lupa ay hindi natin iyon madadala kapag kapiling na natin ang Diyos na siyang lumikha ng lahat.