Thursday, July 28, 2011

Luha

"Ang luha ay maaaring dahil sa pag iyak o kaya dahil sa sobrang kasiyahan."













LUHA
Ni: Arvin U. de la Peña

Kasabay ng pag iyak ay ang paglabas mo
Sa mata kung saan marami ang nasusulyapan
Sa pagtulo mo hudyat na talagang may dinaramdam
Dahilan para ikaw ay maghatid ng awa.

Mistulang tubig ka kung tingnan
Ngunit naiiba dahil hindi nabibili
Sa tao nakatago ka hindi nakikita
Napagmamasdan ka lang madalas kung may umiiyak.

Luha mistulang baha ka rin
Kalamidad na dulot ng kalikasan
Minsan rumaragasa ang iyong pagdaloy
Minsan naman ay hindi, mahina lang.

Sadyang ang tulad mo mahiwaga
Pagkat kahit masaya ang tao
Sobrang nagagalak sa natamo sa sarili
Bigla na lang ay tumutulo ka.

Friday, July 22, 2011

Tunay Na Ligaya

Ang kasama ko po na babae ay blogger din po. Mula po siya sa Manila. Sa mundo ng blog ko po siya nakilala. First time ko po na makipag meet ng isang tao na may blog din. Nagkita po kami sa mall na Robinson sa Tacloban City noong June 30, 2011. Ang pangalan niya po sa mundo ng blog ay Yen. At ang mga blog niya po ay
http://business-ito.com/
http://www.2timersally.com/
http://www.curious-b-b.com/
and http://recyledthoughts.blogspot.com/

"Sa buhay ko, alam ko marami akong mali. Di ako perpekto, pero nagsusumikap na magbago. Kung mayroon mang tama sa mga nagawa ko. Iyon ay nung pinili kitang maging parte ng buhay ko."


TUNAY NA LIGAYA
Ni: Arvin U. de la Peña

Sa piling mo natagpuan ko tunay na ligaya
Kapag kasama ka langit ang pakiramdam
Labis ang aking tuwa
Pumasok ka sa buhay ko.

Mga kabiguang natamo sa iba
Sakit na naidulot nila sa akin
Sugat sa puso ko ay naghilom
Dahil sa pagmamahal mo sa tulad ko.

Tinuwid ko ang aking buhay dahil sa iyo
Sa magandang direksyon na patungo
Nais ko na kung anong pagkatao mayroon ka
Ganun din ako dahil mahal kita.

Sa iyo wala akong idudulot na sakit
Pagkat karamdaman mo, karamdaman ko din
Lahat ay gagawin ko alang-alang sa iyo
Huwag ka lang mawawala.

Wala na ako mahihiling pa
Pagka't ikaw ay para ko na ring kayamanan
Makakaasa ka sa akin
Puso ko sa iyo lamang.

Wednesday, July 13, 2011

Tunay Na Pag-ibig

" True love is unconditional and everlasting, it is established over time and validated with memories of the past."


TUNAY NA PAG-IBIG
Ni: Arvin U. de la Peña

Dumating sa punto na kailangan ng sumuko ni John sa panliligaw kay Elizabeth. Kahit anong gawin pa niya at panunuyo ay talagang hindi siya gusto ni Elizabeth. Wala sa kanya ang hinahanap ni Elizabeth para sa isang lalaki. Itinuon na lamang ni John sa pag-aaral ang para sana ay atensyon kay Elizabeth. Hindi naman siya nabigo . Siya ang laging nangunguna sa klase.

JS prom ng masyadong masaktan ang puso ni John. Dahil sa unang pagkakataon nakita niyang magkahawak-kamay sina Elizabeth at Eric na sumasayaw. Kitang-kita niya sa mukha ni Elizabeth ang kasiyahan habang kasayaw si Eric na anak mayaman. Kung isa lang sana siyang mayaman siguro ay siya ang kasayaw ni Elizabeth.

Graduation ng si John ang maging valedictorian. Nang sabitan siya ng medalya agad ay tiningnan niya si Elizabeth na sa kanyang mukha ay may bakas ng lungkot. Sa unang pagkakataon nangyari sa kanilang paaralan na ang valedictorian ay hindi masaya. Palabas na siya ng paaralan kasama ang kanyang mga magulang at kapatid ng muli masaktan ang puso niya dahil nakita niya na sumakay sina Elizabeth at ang mga magulang sa sasakyan ni Eric.

Sa kolehiyo sa kursong BS Accountancy ay naging schoolar si John. Tuwing sem break lang siya umuuwi sa kanilang probinsya dahil sa malayo ang kanyang pinag-aralan sa kanilang lugar.Tinitiis niya ang pangungulila sa mga magulang at kapatid.. Tuwing umuuwi si John sa kanilang lugar ay hindi niya maiwasan na hindi itanong sa mga kaibigan ang tungkol kay Elizabeth. Sa bawat pagtatanong ang sagot ay nasa Manila nag-aaral ganun din daw ang kasintahan ni Elizabeth na si Eric.

Sa pagtatapos ni John sa kolehiyo ay naging cum laude siya. Tuwang-tuwa ang kanyang mga magulang at kapatid sa kanyang natamo. Lalo na ng siya ay pumasa sa board exam. Hindi naman nahirapan si John sa paghahanap ng trabaho dahil agad ay tinanggap siya para sa isang branch ng Metro Bank.

Naging masyadong busy ang buhay ni John sa pagtratrabaho. Kung gaano siya kasipag noong nag-aaral pa ay ganun din sa kanyang trabaho. Bihira na rin lang siya umuwi sa kanilang lugar. Nagpapadala na lang siya ng pera o kaya minsan siya ang binibisita ng kanyang mga magulang at kapatid.

Lumipas pa ang ilang taon at siya ay naging manager na sa kanyang pinagtratrabahuan. Tuwang-tuwa siya sa kanyang naabot na posisyon. Kapag tinatanong naman siya ng kanyang mga kasamahan sa trabaho kung sino ang kanyang kasintahan ay nagdadahilan na lamang siya na nasa kanilang probinsya, kahit na wala.

Kung tutuusin ay hindi mahihirapan si John na manligaw lalo at isa na siyang manager. Pero hindi niya ginagawa. Dahil ang nasa puso at isipan niya ay si Elizabeth pa rin kahit na hindi siya mahal.

Buwan ng December ng magbakasyon si John sa kanilang lugar. Alam na ng karamihan na tao sa kanilang lugar na siya ay isa ng manager sa isang sangay ng Metro Bank. Nasa tindahan si John malapit sa kanilang bahay ng lapitan siya ng isang kaibigan at nag-usap.

Sinabi ng kaibigan ni John na nandiyan daw si Elizabeth nagbakasyon mula sa pagiging nurse sa Manila. Nang tinanong ni John sa kaibigan kung may asawa na ang sagot ay wala. Hindi rin daw nagkatuluyan sina Eric at Elizabeth dahil si Eric ay pumunta na ng Amerika kasama ang mga magulang. Ang balita pa nga daw ay may asawa na doon si Eric na alam na din ni Elilzabeth. Sa ibinalita na iyon ng kaibigan ni John ay agad nabuhayaan siya ng loob. Nagkaroon siya ng lakas ng loob na muli suyuin si Elizabeth.

Bisperas ng pasko at tanghali ng puntahan ni John si Elizabeth sa kanilang bahay na may dalang bulaklak at chocolate. Muli ay sinuyo ni John si Elizabeth. Ipinagtapat din ni John kay Elizabeth kung bakit hanggang ngayon ay wala pa siyang kasintahan. Sa mga sinabi ni John ay naantig ang puso ni ELizabeth. Dahil nalaman niya na talagang siya lang ang mahal ni John. Nagpalitan sina John at Elizabeth ng cellphone number. Umalis si John sa bahay nina Elizabeth na may ngiti sa kanyang mukha.

Umagang-umaga, araw ng pasko ng makatanggap ng text si John mula kay Elizabeth na nagsasabing tinatanggap na siya para sa puso niya. Halos mapasigaw si John mula sa kanyang pagkakahiga sa nabasa sa cellphone. Agad ay nireply niya na salamat sa pagtanggap sa kanya at makakaasa na siya lang ang mamahalin wala ng iba.


Araw ng pasko na araw ng pagmamahalan ay di akalain ni John na sila na ni Elizabeth. Ang gusto niya noon pa man ng siya ay matutong umibig.


Sa pag-alis ni John pabalik sa lugar na kung saan siya nagtratrabaho ay masayang-masaya siya. Dahil nakakaasa siya na silang dalawa na ni Elizabeth. Ganun din si Elizabeth ng pabalik na rin sa Manila. Alam niya na siya lang ang mahal ni John.


Kahit magkalayo sina John at Elizabeth ay patuloy ang kanilang pagmamahalan. Bawat araw ay mayroon silang komunikasyon.

Tuesday, July 5, 2011

Sermon

Noong elementary ako ang harapan ng paaralan ay ang simbahan na nakikita niyo. Ang pinag-aralan ko naman sa high school ay katabi ng simbahan. Kaya noon naiisip ko ano kaya ang pakiramdam ng isang pari. Minsan nga noon sa elementary ako sa ipinapasulat ng guro kong ano ang gusto sa paglaki ang isinulat ko ay "paglaki ko gusto kong maging pari, dahil gusto ko na maipalaganap ang kautusan ng Diyos."










SERMON
Ni: Arvin U. de la Peña

Isinilang tayo ng walang anuman sa buhay. Babalik tayo sa ating pinanggalingan ng wala rin. Bawat isa sa atin ang buhay ay hiram lang sa Diyos. At ang pagpapahiram ay may hangganan. Ngayon ay buhay tayo, pero maaaring bukas ay hindi na. Walang katiyakan kung kailan tayo mamamaalam sa mundo. Kung anuman mayroon tayo ngayon sa buhay ay hindi natin madadala sa kabilang buhay. Ang matitirang alaala para sa maiiwan ay kabutihan na nagawa kung sakali man ikaw ay mabuting tao. Ngunit kung ikaw ay masama na tao ay masamang alaala ang maiiwan mo sa iyong kapwa. Kung mabuting tao ka dapat magpakabuti ka palagai para maganda ang pagtingin sa iyo ng mga tao. Kung ikaw naman ay masama ay may panahon pa para magbago ng sa ganun maging mabuti ang tingin sa iyo ng mga taong nakapaligid sa iyo.

Mga kapatid ko sa ngalan ng Diyos habang tayo ay naririto sa lupa ay ipadama sana natin ang pagmamahal sa sarili at sa kapwa. Katulad ng ginagawa ng Diyos na mahal niya ang bawat isa sa atin. Kung tayo ay nang-aabuso, nang-aapi o may ginagawang hindi maganda ang kasiyahan na natamo dahil doon ay panandalian lang. Halimbawa magnakaw tayo ng pera. Kapag nakanakaw na tayo ng pera ay makakaramdam tayo ng kasiyahan. Kasi kung ano ang kailangan ay mabibili dahil may pera na o kaya kung ano ang gustong paggamitan ng pera ay makakagamit tayo. Ngunit kapag naubos na ang perang ninakaw ay paano na? Balik tayo sa pakiramdam ng kung ano ang walang pera. Sa ganun na pangyayari ang ninakawan ay magiging malungkot sa una dahil ninakawan siya ng pera. Ngunit pagtagal ay sasaya din dahil magkakaroon uli ng pera lalo na kung may trabaho. Pero ikaw na nagnakaw konsensya ang aabutin mo. Kung pera ang kailangan ay gumawa sa mabuting paraan para magkaroon.

Matuto tayong tumanggap ng kung anuman ang mayroon tayo sa buhay. Iwasan natin ang mainggit sa ating kapwa. Makuntento tayo kung anumang kapalaran mayroon tayo. Dahil dito sa lupa sadyang sinadya ng Diyos na ang buhay ay hindi pantay-pantay. Hindi puwede na dito sa lupa ang lahat ng tao ay mayaman. Hindi puwede na dito sa lupa lahat ng pamilya ay maraming pera. Dahil kung ganun na bawat nilalang ay maraming pera walang magiging katulong, walang magtitinda ng kung ano, walang pampasaherong sasakyan, walang mall, o kung ano pa diyan na kumikita ng pera. Kung bakit?, bakit pa maghahanap-buhay para kumita ng pera gayung marami ka ng pera. Walang puwedeng mautusan na tao na babayaran ng pera dahil sa may pera na siya. Talagang sadyang ganun dito sa lupa na may mayaman at mahirap para matuto tayo na magmahal at umintindi para sa ating kapwa.


Narito tayo sa lupa na mayroon tungkulin. Kung anumang tungkulin ang nakalaan sa atin ay ating gampanan ng maayos. Mahalin natin ang kung anuman mayroon uri ng trabaho tayo. Dahil sa trabaho na iyon doon kumikita ng pera, dahil sa trabaho na iyon doon nakakakain pati na ang pamilya, at higit sa lahat dahil sa trabaho na iyon nakakabili ng ibang personal na kagamitan. Marami sa ngayon ang manggagawa na sa umpisa ay aktibo pa sa pagtrabaho. Pagtagal ay hindi na. Magiging pala absent na dahil sa kung anong dahilan. Ang iba ay hindi na papasok dahil inumaga ng inom o kaya tinatamad o kung hindi man hindi gusto ang naging trabaho. Ang magiging katuwiran nila ay "ayos lang dahil marami pa naman ang puwedeng aplayan ng trabaho kung matanggal man.
". Mali ang ganun na katuwiran dahil kahit bawat linggo ay iba-iba ang pagtratrabahuan ay hanggang sa pagtanda ay hindi mapapasukan ang lahat na puwedeng pagtrabahuan dahil sa sobrang dami.

Bilang panghuli para sa sermon kong ito. Gusto kong sabihin sa inyo na isa lang ang buhay natin kaya dapat natin na mahalin ito. Huwag manakit ng kapwa para maiwasan ang pagganti na minsan ang pagganti ay nagdudulot ng pagkasawi ng isang buhay. Higit sa lahat mahalin natin ang ating Panginoon . Sundin natin at ipalaganap ang kanyang mga nais at kautusan. Dahil sa huli ay siya ang ating mapupuntahan.

Friday, July 1, 2011

Panibagong Pag-ibig

"When you fall in love, prepare to be hurt. Never expect, never assume and don't give everything because if one day he drop you. You have enough strength to move on."
PANIBAGONG PAG-IBIG
Kay: Maria Carmela Santos
Ni: Arvin U. de la Peña

Sakit na dulot niya huwag dibdibin
Lalo ka lang masasaktan
Marami pa namang iba handang magmahal sa iyo
Hindi lang siya ang marunong umibig.

Sa pag-ibig kasama na ang mabigo
Ang lumuha pagkatapos ng kasiyahan
Lagi lamang na tandaan
Pagkatapos ng dilim ay may liwanag.

Sa katulad mong may angking ganda
Marami pa ang magkakagusto
Hindi mabibilang maghahangad ng pagmamahal mo
Madami kang pagpipilian na mangingibig mo.

Ang nangyari sa iyo ngayon
Dapat lang na magsilbing aral
Sa susunod na pakikipagrelasyon
Piliin ang may pusong tapat.

Huwag ka ng malungkot
Iwaglit na siya sa iyong isipan
Sa pagwawakas ng pag-iibigan niyo
May panibago pa na darating.