"Minsan ang isang politiko ay tumatalon sa ibang partido lalo na kapag alam niyang mahihirapan siyang manalo kapag manatili pa rin sa kanyang partido.
Ni: Arvin U. de la Peña
Namulat ang isipan ko na sa likod ng bahay namin ay may tanim na balimbing. Marami lagi ang bunga ng balimbing. Kami ng mga kaibigan kong bata din ay madalas kumuha ng balimbing para kainin. Kahit ang iba kong kababata ay may tanim din silang balimbing. Minsan nga kapag recess noong nag-aaral pa ng elementary ay pumupunta kami sa bahay ng aming kaibigan na malapit lang sa paaralan para kumuha ng balimbing. Masarap kumain ng balimbing kapag may kasamang asin.
Nang lumaki na ako at nagkaroon na ng sapat na pag-iisip ay hindi na ako kumain ng balimbing. Nawalan na ako ng gana na kumain ng balimbing. Siguro talagang ganun minsan may pagsasawa tayo sa isang nakakain. Nalaman ko rin na sa mga politiko ay mayroon din palang balimbing. Sila iyong mga politiko na pagkatapos alagaan ng kanilang partido ay lilipat sa iba lalo na kapag alam nilang mahina na ang kanilang partido. Hindi sila nahihiya sa kanilang ginawa na pagkatapos alagaan at papanalunin ay iyon pa ang gagawin.
Ang mga politiko na iyon na balimbing ay noon kapag may kinasangkutan na anomalya ang kanyang kinaaaniban na partido ay pinagtatanggol talaga. Pinagtatakpan ang baho ng kanyang partido. Sa madaling salita ay pinagtatanggol lagi ang kakampi na tao sa partido kung iyon man ay may ginawang hindi tama o kaya ay labag sa batas. Pero kapag umalis na sa partido ay isisiwalat na ang totoong nangyari. Subalit hindi na pinapansin ang mga ibinulgar nila sa dati nilang partido. Kasi sabi nga "it is too late to be hero".
Mahirap alamin kung ang isang politiko ay magiging balimbing. Hindi katulad ng tanim na balimbing na ang bunga ay talagang balimbing ang tawag.
Akala ko noong bata lang ako makakakain ng balimbing. Ngayong malaki na ako ay nakakain din pala ako ng balimbing. Kasi may mga ibinoto akong politiko na naging balimbing.
Kayo kumakain din ba kayo ng balimbing?