Tuesday, March 3, 2009

Tayo

"Masarap ang pakiramdam kung ang maging kabiyak ng puso mo ay kababata mo."

TAYO
Ni: Arvin U. de la Peña

Tayong dalawa ay nagsimula bilang isang magkaibigan. Bilang isang magkababata madalas tayo ay nagkakalaro. Naghahabulan, nagtataguan o kung ano pang laro na pambata. Umulan man o umaraw basta nagkakaharap tayo kasama pa ng ibang mga bata rin ay naglalaro talaga tayo. At sa bawat paglalaro natin ay madalas talaga nakatingin ang mata ko sa iyo. Nagagandahan kasi ako sa iyo. Kapag ikaw naman ay nadadapa dahil sa paglalaro ay ako agad ang unang lalapit sa iyo para alalayan ka na tumayo. Kaysarap isipin ng mga alaala na iyon na nahahawakan ko ang kamay mo. Nasubaybayan ko talaga ang iyong paglaki.

Nang lumaki na tayo ay nagkalayo na. Nanatili ako sa lugar natin. Samantalang ikaw ay sa ibang lugar pinapag-aral ng mga magulang mo. Minsan ka na lang umuwi. At sa bawat pag-uwi mo ay di na katulad ng mga bata pa tayo na nagkakalaro talaga. Sa iyo ay medyo nagkaroon na ako ng pag-aalinlangan na kausapin ka. Iyon ay dahil sa puso ko ay nakakaramdam na ako ng pag-ibig sa iyo. Natatakot ako na mahalata na may pag-ibig akong nararamdaman sa iyo.

Minsan habang may bibilhin ako sa tindahan tayo ay nagkasalubong. Kaya hindi naiwasan na di tayo magkamustahan. Kinuwento mo sa akin ay ang buhay mo sa lugar na pinag-aaralan mo. At kung anong kurso ang kinuha mo. Ganundin din ay nagkuwento rin ako sa iyo tungkol sa buhay ko. Nakatutok talaga ang mga mata ko sa iyo habang nagkukuwento ka. Napakaganda mo, nasabi ko na lang sa aking sarili. Napakasaya ko ng matapos ang pag-uusap natin. Hanggang sa pag-uwi ko ay dala ko pa rin ang alaala ng iyong mga ngit habang kausap ka. At mula noon bawat uwi mo ay may lakas ng loob na akong bisitahin ka sa inyo para makipagkuwentuhan.

Ngayon tayo ay pareho ng may matatag na pundasyon sa buhay. Pareho ng may pinagkakakitaan sa buhay. Sana ay magkatuluyan tayong dalawa. Wala sanang humadlang sa ating pagmamahalan. Di sana maagaw ng iba ang pagmamahal ko sa iyo na binuo pa mula noong mga bata pa tayo.

No comments: