Friday, December 30, 2016

Huling Hantungan

"Ang buhay ay patungo sa kung saan lahat tayo pupunta."


HULING HANTUNGAN
Ni: Arvin U. de la Peña

May nauunang pumanaw, may naiiwan muna pero ang pagpanaw ay darating din. Ganyan ang buhay sa mundo, ang kamatayan ay hindi alam. Bawat tao ay lumilisan sa mundo na ang dahilan ay kapareho din ng iba. Hindi lahat ng namamatay ay pare-pareho ang dahilan.

May mga tao na namamatay dahil walang pera sa pagpagamot. Dinadala sa hospital para magpagamot. Pero minsan dahil walang pera ang pasyente para sa ikagagaling ayon sa rekomendasyon ng doktor ay namamatay ang pasyente. Kawawa talaga ang tao na namamatay dahil walang pera panggamot dahil ang sakit tinitiis na lang hanggang sa mawalan ng buhay. Ang hospital ay nagpapagaling ng pasyente, pero may mga pagkakataon din minsan na ang hospital ay pumapatay ng tao.

Nakakatawa na may mga tao na mayaman talaga na ang pera nila ay masyadong hinigpitan. Kahit alam na nila na may kapamilya, pinsan o anu pa na kailangan ng pera para sa hospital ay hindi tutulong. Hahayaan lang nila kung anuman ang kalagayan. Pero kapag namatay na ang tao ay tutulong na, magbibigay ng pera sa mga naiwan na mahal sa buhay. Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.

Sila na mga tao na mayayaman at mahigpit sa pera ang akala nila ang pera ay madadala nila sa kabilang buhay. Ang akala nila ay hindi sila mamamatay dahil may pera na kapag na admit sa hospital ay gagaling dahil may pera. Kung ano ang kailangan ng doktor ay makakabili dahil may pera. Pero hindi nila alam ang buhay ay may hangganan. Pero hanggat hindi pa dumarating ang katapusan nila ay pera pera lang sa kanila.

Kung may mga tao man na mayaman at madamot, kuripot na matatawag ay may mga tao din naman na  mapagbigay. Hindi nagdadalawang isip na magbigay ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot sa isang tao na malapit sa buhay nila. Hindi nila hinahayaan na lumala pa ang kalagayan ng kapamilya, pinsan o anu pa sa hospital. Okey lang sa kanila na magbigay tulong na pera dahil alam nila na maibabalik pa ang pera, pero ang buhay ay hindi na.


Sa huling hantungan lahat tayo doon ay pantay-pantay. Walang mayaman, walang mahirap. Sana habang narito pa sa lupa ituring natin ang bawat isa na kapantay. 

Monday, December 19, 2016

Maligayang Pasko

"Ang pasko ay para sa lahat ng tao, mayaman man o mahirap."

                           

MALIGAYANG PASKO
Ni: Arvin U. de la Peña

Ang pasko ay malapit na. Ang araw na kung saan ang pagmamahalan ay umiiral. Makikita sa lansangan ang mga bata, ang iba ay medyo matanda na rin na namamasko. Ang pera, candy o ano bagay na natatanggap kahit paano ay nagdudulot ng kasiyahan. Labis  ang saya ng mga bata lalo na kung nakakatanggap ng medyo malaking halaga ng pera mula sa kanilang mga ninong at mga ninang.

Kung ang ibang mga pamilya ay masaya sa pasko dahil may mga sapat silang pinagkakakitaan, trabaho o pinapadalhan ng pera ng miyembro ng pamilya na nagtratrabaho sa ibang bansa ay may mga pamilya din na masasabi na malungkot ang pasko dahil sila ay mahirap lang. Ang buhay nila ay isang kahig, isang tuka. Minsan natutulog sila na walang makain, umiinom lang ng tubig sapat na sa kanila.

Sa darating na pasko sana ang lahat ng tao pairalin sa buhay nila magpakailanman ang pagiging disiplinado. Lalo na ang mga tao na nagsisimbang gabi na umaga pa lang ay gumigising na. Dahil kung tayong lahat na mga Pilipino ay may disiplina sa sarili ay walang problema ang gobyerno, walang problema ang bayan.

Korapsyon ay problema ng sino mang nagiging pangulo ng bansa. Dahil halos lahat ng sangay ng gobyerno ay may korap na opisyal.  Ang korapsyon ay nagdudulot ng hirap sa mga tao. Kahit hindi sangay ng gobyerno ay may mga korap din. Pero kung may disiplina ang tao ay hindi sila magnanakaw o mangingikil ng pera. Hindi sila na mga opisyal hihingi ng pera kapalit ng hinihinging pabor ng isang tao.

Droga ay mas lalong problema din ng sino mang nagiging pangulo ng bansa. Dahil ang tao na naging adik ay gumagawa minsan ng pagnanakaw para lang may pambili ng droga. Nagbebenta ng materyal na bagay para may pantustos sa pangangailangan ng katawan. May mga tao na adik na kapag inagaw ang bag na may laman na pera at lumaban o mag ingay ang inagawan ng bag ay pinapatay ang tao. Pero kung ang isang tao bago pa maging adik ay disiplinado na ay tiyak hindi gagamit ng bawal na gamot. Kung sakali man na gumamit ay hindi na uulit kasi may disiplina.

Maligayang pasko sa inyong lahat.