Friday, December 21, 2012

Panggulo Na Kandidato

"Ito po ang last post ko ngayong taon. Maraming salamat sa lahat na kaibigan worldwide dito sa blog. Kita kits tayo sa susunod na taon."

PANGGULO NA KANDIDATO
Ni: Arvin U. de la Peña

Halalan na naman sa susunod na taon. Siguro sa inyong lugar kung saan man kayo alam niyo na kung sila sino ang mga kandidato. Higit sa lahat alam niyo na rin kung sino ang kandidato para sa inyong lugar na maituturing na panggulo.

Panggulo na kandidato, ano nga ba iyon? Ang panggulo na kandidato ay kandidato na angkop lang para sa isang lugar na kinaiinisan na ang kasalukuyan na namumuno dahil hindi maganda ang pagserbisyo at maraming isyu tungkol sa katiwalian. Lalo na patungkol sa pangungurakot o pagnanakaw sa pera ng bayan. At dahil doon ay may tatapat sa halalan na malakas ang karisma at malaki ang posibilidad na manalo kung mag one on one lang. Ngunit iyon ay maaaring hindi mangyari dahil sa pagtakbo rin sa halalan ng isa pa. At iyon na nga ang panggulo na kandidato. Kung bakit tumakbo sa halalan ay dahil gusto na manatili lang sa poder ang kinaiinisan na namumuno o kaya dahil sa binayaran.

Hindi makabayan, walang pagmamahal sa bayan. Ganun ang panggulo na kandidato. Sarili lang niya ang iniisip. Dahil kung mahal niya ang bayan, mahal niya ang mga naninirahan ay hindi siya tatakbo sa halalan para magtatlo ang kandidato o kaya hindi niya ipagbibili ang kanyang kandidatura.

Nakakainis, nakakasuklam ang panggulo na kandidato dahil siya ang magiging dahilan para hindi mag-iba ang administrasyon sa lugar. Hindi nga naman maganda kung ang boto ay mahahati pa. Pabor ang pagtakbo ng panggulo na kandidato para sa kinaiinisan na kandidato lalo na kung malaking halaga ng pera ang ibibigay ng kinaiinisan na kandidato para sa mga botante.

Ang hiling na lang ay magkaroon ng himala. Tatanggapin ang pera na bigay ng kinaiinisan na kandidato pero hindi siya iboboto. Ang iboboto ay ang kandidato na maaaring makapagbago sa lugar. At ang panggulo na kandidato ay babalewalain kahit pa mamigay ng pera. Dahil bistado na ang totoong kulay niya, panggulo. Ngunit may himala nga ba kung pera ang pinag-uusapan? Mayroon himala, iyon ay ang kanta na Himala na inawit ng Rivermaya

Saturday, December 8, 2012

Pasko Sa Kulungan

PASKO SA KULUNGAN
Ni: Arvin U. de la Peña

Sa abot ng makakaya ay pilit na binubuhay ni Elizalde ang kanyang pamilya. Mula sa pagiging kargador sa palengke ng mga panindang gulay o ano pa hanggang sa pamamasada ng de padyak na tricycle. Ang halos dalawang daan na kita bawat araw ay pilit niyang kinakasya para sila ay mabuhay. Ang asawa niya na walang trabaho at ang dalawang anak niya na ang panganay ay pitong taong gulang at grade one at ang bunso na limang taon na hindi pa nag aaral.

Umagang-umaga pa lang ay gumigising na si Elizalde para pumunta sa palengke. Muling babalik sa kanila na may dalang tinapay. Aalis para mamasada ng tricycle at muling babalik ng tanghali na may dalang pagkain. Pagkatapos manghalian at makapahinga ng konti ay aalis uli at babalik ng gabi. Ganun lagi ang buhay sa araw-araw ni Elizalde. Ngunit kailanman ay hindi siya nagreklamo. Tinitiis niya ang hirap at pagod para sa kanyang pamilya.

Minsan isang gabi ay kumakain sila ng pagsabihan siya ng kanyang panganay na anak na sana sa pasko ay ibili ng bagong damit at sapatos para maisuot sa pag-aaral at ang bunso ay humiling na ibili ng bagong laruan. Para masiyahan ang mga anak ay nangako siya na ibibili kahit hindi siya sigurado na magkakaroon ng pera. Naantig ang damdamin niya ng makitang ngumiti ang dalawang anak.

Papalapit na ang pasko ay wala pa rin siyang pera na pambili para sa ipinangako sa dalawang anak. Nang tanungin siya ng kanyang dalawang anak ay sinabi niya na lang na ibibili talaga para hindi malungkot.

Bisperas ng pasko ay wala pa rin siyang pambili para sa ipinangako sa mga anak. Gabi ay umalis siya para mamasada ng tricycle. Nang may sumakay sa kanya na matandang babae at nakita na maraming pera ay hinoldap niya sa madilim na kalsada. Nang makuha ang pera ay agad pumunta sa mall at bumili para sa kahilingan ng dalawang anak.

Tuwang-tuwa ang dalawang anak niya pag-uwi na dala ang pangako at may pagkain pa. Kahit paano, galing man sa masama ang pera ay nasiyahan si Elizalde dahil napagbigyan ang hiling na kanyang dalawang anak.

Araw ng pasko, nasa bahay lang si Elizalde. Lingid sa kaalaman niya nakilala siya ng matandang babae na hinoldap niya dahil nagtanung-tanong at pumunta pa sa presinto para humingi ng tulong. Hindi na nagtaka si Elizalde ng may dumating sa bahay nila na mga pulis kasama ang matandang babae na hinoldap niya. Ipinaliwanag ni Elizalde kung bakit niya nagawa iyon. Pero kahit anong paliwanag niya at babayaran na lang paunti-unti ay hindi siya pinakinggan ng matandang babae. Kahit pa nagmakaawa siya pati ang asawa at dalawang anak. Kailangan daw niyang pagbayaran ang kanyang ginawa. Walang nagawa si Elizalde kundi tanggapin ang magiging kaparusahan. Inihabilin na lang ni Elizalde ang kanyang pamilya sa kanyang kamag-anak dahil ulila na siya sa magulang at wala pang kapatid. Nakulong si Elizalde sa araw ng pasko.

Sa buhay, minsan nakakagawa tayo ng hindi kanais-nais. Labag man sa kalooban ay kailangan natin gawin. Hindi para sa ating sa sarili, kundi para sa ating mahal sa buhay. Iyon ay dahil mahal natin sila.