Thursday, November 24, 2011

Pagbulusok

Napakasaklap ng nangyayari ngayon sa dating pangulo na si Gloria Macapagal Arroyo. Kahit ang mga Pro GMA noong panahon niya hindi man lang makita sa kalsada para magbigay ng simpatiya sa sinapit niya. Ibig pa lang sabihin silang mga Pro GMA noon ay mga plastik. Ngayon na alam nilang wala na sa poder ang kanilang pinagsisilbihan noon ay hindi na nagpapakita ng suporta. Hindi katulad ng kay Erap at Marcos na mga naging Presidente ng bansang Pilipinas na hanggang ngayon ay mayroon pa rin mga loyalista na handang magpakita ng suporta kung kailangan.
PAGBULUSOK
Ni: Arvin U. de la Peña

Kapangyarihan na mataas nakamit
Ginawa ay pang-aabuso sa bayan
Di man lang inisip mga mamamayan
Sariling kapakanan lamang ang nais.

Pamilya at kaalyado ay nabusog
Nagpasarap sa buhay at nagpayaman
Kung sino sa kanya ang bumabatikos
Tinatakot para hindi na umulit.

Halos bawat nagreretirong heneral
Posisyong maganda ang kinalalagyan
Simbahang katoliko ay binibigyan
Upang hindi pagsalitaan ng pangit.

Hainan man para siya mapatalsik
Walang pagkabahalang nararamdaman
Mga kongresistang kampi nariyan lang
Sagana sa bigay na milyong pork barrel.

Mula sa itaas ngayon ay bumagsak
Walang naaawa sa kanyang sinapit
Pagkat siya di dapat na kaawaan
Ang dapat ay makulong sa kasalanan.

Saturday, November 19, 2011

Sine

"The easy part of life is finding someone to love. The hard part is finding someone to love you back."

SINE
Ni: Arvin U. de la Peña

Hilig ko noon ang manood ng sine. Sabado o kaya Linggo ako nanonood. Minsan sa SM, sa Country Mall, o kaya sa Ayala. Minsan ng manood ako sa Ayala ng Harry Potter ay puno talaga sa loob. Kaya ang ginawa ko tumayo na lang ako katulad ng ibang mga manonood.

Lumilipas na ang mahigit 20 minutes na panonood ko ng bigla may babaeng umiiyak, papalabas ng sinehan. Malakas ang hagulgol niya na nakaagaw pansin sa mga manonood. Iyak siya ng iyak. Tapos sa tinatayuan ko siya dumaan. Ang ginawa ko ay sinundan ko siya kahit na hindi ko kilala. Nakakahiya man pero dahil nasa loob pa ng sinehan pero papalabas na ay hinawakan ko ang kanyang kamay, sabay tanong " miss bakit ka umiiyak"? "Wala", sabi niya. "Anong wala, eh hindi ordinaryo ang pag-iyak mo", sabi ko sa kanya. "Nakipaghiwalay ang boyfriend ko ngayon lang doon mismo sa inuupuan namin", sagot niya". "Ganun ba, o sige huwag ka ng umiyak kasi nakakahiya", sabi ko sa kanya. Hawak ko pa ang kamay niya ng sabihin ko na lumabas kami ng sinehan. Sabi ko sa kanya pumunta ng SM at nag ok naman siya. Nakipagkilala ako sa kanya at doon nalaman ko na siya si Julie Valencia.

Habang sakay kami ng jeep papuntang SM ang nasa isip ko ay parang naka jackpot yata ako kasi hindi na ako mahihirapan pa masyado na ligawan si Julie kasi broken hearted. Pagpunta sa SM dahil pasado 3:00pm na ay agad niyaya ko siya na mag Jollibee muna kami. Nagkuwentuhan kami tungkol sa buhay namin, sa pag-aaral, at doon nalaman ko na pareho pala kaming 4th year college. Magkaiba nga lang ng paaralan. Pagkatapos naming kumain muli ay itinuloy namin ang panonood ng Harry Potter.

Pagkatapos naming manood ng sine at lumabas na ay doon hiningi ko ang cellphone number niya. Binigay naman niya at binigay ko rin ang cellphone number ko sa kanya. Tinanong ko siya kung saang boarding house siya nakatira at ng sabihin niya ay sinabi ko sa kanya na ihahatid ko siya. Hindi naman siya tumutol. Hinatid ko siya sa boarding house niya at doon kita ko sa mga mata niya na may saya at iyon ang nagbigay sa akin ng inspirasyon.

Kinabukasn paggising ko agad ay tinext ko siya ng "good morning", nagreply naman agad siya ng "good morning din". Nagpalitan pa kami ng text hanggang sa magpasya ako na maghanda na para sa pagpasok sa paaralan. Kinagabihan paglabas ng last subject ko na 7:30pm agad ay text ko siya kung nasaan siya. Sinabi niya na nasa paaralan pa dahil 8:30 pm pa daw ang labas niya. Doon ay sinabi ko sa kanya na hintayin ko siya sa labas ng paaralan sa University of San Carlos. Muli ay pumayag siya.

Paglabas niya agad ay kinumusta ko siya at niyaya na kumain. Pagkatapos naming kumain muli ay inihatid ko siya sa boarding house niya. Naulit pa ng naulit ang ganun na pangyayari sa amin ni Julie pati pamamasyal tuwing Sabado o kaya Linggo.

February at malapit na ang Valentine's Day ng magtapat ako ng pag-ibig sa kanya. Hindi muna siya sumagot at pag-iisipan pa raw niya kasi sa ngayon daw ay masaya siya na ako ay kaibigan. Naunawaan ko siya at itinuloy ko pa rin ang magandang ipinapakita sa kanya. Hindi ako nagbago sa kabila ng sinabi niya.

February 13, 2005 gabi ay balisa ako. Di ko alam kung bakit. Hindi ako makatulog masyado. Pasado alas dose ng bigla may natanggap akong text. Nang tingnan ko ay mula kay Julie. Nang basahin ko ang text ay halos mapasigaw ako. Kasi ang laman ng text niya ay sinasagot na niya. Agad ay nag text ako sa kanya ng pasasalamat at sinabi ko na magiging mabuti ako na kasintahan niya.

Pagkita namin kinabukasan ng gabi paglabas niya ng paaralan agad ay niyakap ko siya. Tapos kumain na kami. Paglipas ng araw ay naging abala na sa pag-aaral at isa pa ma graduate na kaya medyo busy na. Ganun din naman siya. Hindi ko na siya natetext lagi. Pero kung gabi ay sinusundo ko pa rin siya sa paaralan niya. Tapos kumakain at inihahatid sa boarding house niya.

Sinabi ko sa kanya na ang graduation namin ay March 25, 2005. Nagpaasa siya na manonood siya at nangako naman ako na manonood sa graduation nila na March 27, 2005.

Akala ko talaga ay kami na. Sa isip ko nakaplano na ang lahat para sa amin. Para sa aming pagsasama pagdating ng panahon na kapwa handa na.

March 24, 2005 ay nakahanda na ang lahat para sa susuotin ko para sa graduation. Excited ako kasi matatapos na rin ang pag-aaral ko sa kolehiyo ng apat na taon. Maaga akong natulog. Pagkagising ko kinabukasan na araw na ng graduation ng tingnan ko ang cellphone ay mga mga tawag mula kay Julie. Hindi ko nasagot. Nang basahin ko ang text agad ay nanghina ako. "Sorry nakikipag break na ako sa iyo. Nakipagbalikan na sa akin ang una kong boyfriend na una kong minahal at tinanggap ko naman kasi mahal ko pa rin siya. Hindi ako makakapanood ng graduation mo. Good luck na lang sa iyo."

Nang matapos kong basahin ang text niya agad ay tinawagan ko siya. Ring lang ng ring ang cellphone niya. Ayaw sagutin ang tawag ko. Text ko siya kung bakit ganun. Wala rin siyang reply.

Nasa loob na ako ng Cebu Coliseum kasama ng mga kaklase ko at iba pa na ma graduate ay ako lang yata ang malungkot. Kita ko sa ibang mga graduating na masaya talaga. Minsan tinitingnan ko ang mga tao na nasa taas na nanonood ng graduation at nagbabakasakali na makita ko si Julie, pero wala.

Hanggang sa mag umpisa na ang graduation. Pagbanggit ng pangalan at pagtanggap ng diploma.

Umakyat ako ng stage para tanggapin ang diploma na walang sigla sa katawan. Bumaba ako ng stage na may lungkot sa mga mata.

Thursday, November 10, 2011

Bilanggo

Matatagalan pa siguro bago uli ako mag blog. Dahil halos tatlong linggo na rin na ang lagnat ko ay pabalik-balik. Hanggang ngayon ay hindi pa ako magaling talaga. Hindi lang naman ako ang may ganitong klaseng sakit kundi pati rin ibang mga tao sa amin lugar at kalapit na lugar. Nabalita pa nga sa tv na may typhoid fever outbreak sa aming lugar at sa iba pa. Marami na nga ang na confine sa iba't ibang hospital dahil sa uri ng sakit na ito na pabalik-balik na lagnat. Napakarami ko ng na take na gamot pero wala pa rin talaga. Nagpilit lang po ako na mag internet at mag post sa blog para malaman niyo kasi baka magtaka kayo na hindi na ako nag blablog hop o punta-punta sa ibang mga blog katulad ng dati. Kung bumuti na talaga ako ay balik sa dati ang gawi ko sa pag blog. Mula dito humihingi ako ng pasensya para sa dalawa kong advertizer na sina Umma at Sam.


"Hindi lahat ng nakukulong ay may kasalanan talaga. May mga nakukulong dahil napagbintangan lang o kaya inakusahan lang. Kung ang nag akusa ay mayaman o kaya maimpluwensya ay tiyak makukulong talaga ang inakusahan. Lalong masakit kung may sariling pamilya."

BILANGGO
Ni: Arvin U. de la Peña

Buong araw nais makawala
Kagandahan sa labas makita
Kung ang hustisya pantay lang sana
Loob ng kulungan wala siya.

Pamilya kanya sanang kasama
Sa pagkain ay laging kasalo
Nasusubaybayan pa paglaki
Ang pagmamahalan naging bunga.

Walang sumasagot tanong niya
Gobyerno parang bingi sa kanya
Hindi niya gusto na magdusa
Labag sa batas di niya gawa.

Lagi na lamang sa isip niya
Ang batas angkop lang sa may pera
Kung tulad niya na isang dukha
Katarungan mahirap makuha.

Kagustuhan niyang makalaya
Hindi alam kung kailan mangyari
Himas sa rehas tuwing umaga
Umaasang pag gabi hindi na.