Monday, December 1, 2008

Preso

PRESO
Ni: Arvin U. de la Peña

Ako ay isang preso. Bilanggo rin kung tawagin. Ang hirap ng kalagayan ko dito. Ang sikip dito sa loob. Halos pare-pareho na ang mga baho namin. Amoy tayo, ikaw nga. Paggising sa umaga hanggang sa maghapon ay rehas na bakal ang madalas na makita. Gustuhin man na tumakas ay hindi magawa dahil mahigpit ang seguridad at isa pa kahit na tumakas ay mahuhuli rin. Lalo lang magiging malala ang kaso ko.


Mabait naman akong tao. Di ako palaaway at lalong hindi basagulero. Madalas nga akong tuksuhin ng mga kaibigan ko na hindi raw ako nakikisama sa kanila pagdating sa mga pagbibiro o ginagawa na hindi kanais-nais. Pagdating naman sa inuman ay di ako nagpapakalasing. Hindi katulad ng iba kong mga kaibigan na lasengero talaga.

Simple lang naman bakit ako narito. Pauwi na kami ng kaibigan kong si Alexis mula sa pagdalaw ng kanyang nililigawan ng may madaanan kaming babae na inaapi ng lalaki. Agad ay nilapitan niya ang lalaki at sinabihan na " pare huwang mong sasaktan 'yan, babae 'yan." Bigla agad ay sinuntok si Alexis at doon ay nagsuntukan na sila. Ako naman dahil gusto kong tulungan ang kaibigan ko ay bigla may nakita akong isang kahoy at agad ay pinulot iyon at ipinukpok sa ulo ng lalaki. Nang matamaan siya agad ay natumba at doon ay may mga dumating ng mga tao. Sa sandali ring iyon ay doon namin nalaman na anak pala ng congressman sa ibang lugar ang lalaki na aking napalo ng kahoy. Dahil maimpluwensya sila agad ay kinasuhan kami at ipinakulong. Kinabukasan agad ay nakalaya si Alexis dahil nakapagpiyansa siya. At ako ay naiwan na nakakulong dahil wala pa kaming pera para sa pagpiyansa.

At ilang araw na lumipas bigla ay nag-away ang dalawa kong kasamahan sa loob ng bilangguan. Pag-aaway na nagkaroon ng saksakan dahil ang isa ay may nakatago palang patalim. Nang parating na ang mga jailguard bigla ay ipinahawak sa akin ang patalim at ako agad ang napagbintangan na sumaksak. Nataranta ako sa biglang pangyayari. Lalo akong nadiin sa loob at lalong lumala ang kaso ko. Kahit nabuhay ang sinaksak ay di niya naman magawang sabihin na hindi ako ang sumaksak sa kanya dahil siguro ay natatakot siya na ilipat sa ibang selda o kulungan ang kaaway niya at dahilan para hindi na siya makaganti.

Napakabilis ng pangyayari. Parang istory sa pelikula. Agad ay ipinalipat ako sa munti. Wala naman magawa ang mga magulang ko dahil maimpluwensyang tao nga ang nasa likod ng pagkakalipat ko ng kulungan. Tuluyan na yata akong mabubulok sa kulungan iyon agad ang nasabi ko ng nasa munti na ako.

Lumipas ang araw at buwan na ako ay naririto. Ang nakapagpapasaya lang sa akin ay kapag dinadalaw ako ng aking mga mahal sa buhay. Ang kaibigan ko naman na si Alexis ay hindi na makadalaw sa akin. Ang balita ko ay nasa ibang bansa na raw at doon ay nagtratrabaho.

Sa ngayon pinipilit kong limutin ang mga bagay o pangarap noong ako ay hindi pa preso. Masakit pero iyon ang totoo. Ako ay nakulong hindi lang sa bilangguan kundi sa mga minimithi ko rin sa buhay. Kung kailan ako makakalaya dito ay hindi ko alam.

No comments: