Monday, July 29, 2019
Ampon
AMPON
Ni: Arvin U. de laa Peña
Batid ni Marilyn na isa siyang ampon. Sa paaralang elementarya na kanyang pinatuturuan ay may halong lungkot at saya ang kanyang nararamdaman kapag nakikita niya ang mga bata na hinahatid ng kanilang tunay na magulang mula lunes hanggang biyernes. Nung bata pa kasi siya minsan lang niya nararanasan ang ganun dahil madalas katulong sa bahay ang naghahatid sa kanya sa paaralan. Dahil palaging busy sa trabaho ang itinuturing niyang tunay na magulang. Madalas din ay out of town.
Bata pa lamang siya ng sabihan siya na siya ay ampon lang. Sinabi ang ganun para hindi na siya mabigla paglaki. Dahil tiyak ay malalaman din naman. Kapag minsan ay tinatanong niya ang itinuturing na mga magulang kung sino ang tunay niyang magulang ay laging sinasabi na huwag ng alamin. Dahil kahit siya ay ampon hindi naman siya pinapabayaan.
Sa paglipas pa ng mga panahon at natupad ang pangarap ni Marilyn na maging guro ay ganun pa rin. Bigo siya na malaman kung sino ang tunay niyang mga magulang dahil hindi sinasabi sa kanya. Kahit ang mga pinsan at kapatid ng itinuturing niyang magulang ay ayaw sabihin sa kanya.
Sa limang taon ng pagtuturo ni Marilyn sa elementarya sa ibang lugar dahil doon siya na destino na magturo ay ayos na sa kanya ang excuse letter kung absent ang estudyante dahil may karamdaman o may sakit. Hindi na siya nag iimbestiga. Ngunit ng limang araw mula lunes hanggang biyernes ay hindi pumapasok si Alfonzo at wala pang excuse letter ay naisipan niyang magpasama sa kanyang estudyante na alam kung saan nakatira si Alfonzo pagkatapos ng klase. First time niyang gagawin ang ganun na alamin kung bakit di pumapasok ang isang estudyante.
Nang makapunta na si Marilyn at ang isa niyang estudyante sa bahay nila Alfonzo ay nalaman nga niya na maysakit talaga si Alfonzo. Nakahiga pa at natutulog ng madatnan niya. Nagkaroon ng lukso ng dugo sa pakiramdam ni Marilyn ng makausap ang ina ni Alfonzo. Naging magaan ang loob niya kaya nakipagkuwentuhan lang muna. Nalaman niya na ang ina ni Alfonzo ay Edna ang pangalan at ang itay ay si Antonio Labusco.
Nang magtanong si Marilyn kung nasaan ang panganay na anak ay nagulat si Marilyn sa sinabi ni Edna. Mahaba raw na kuwento, pero dahil gusto niya na malaman ay nakiusap siya na ikuwento. Sinabi ni Edna kay Marilyn na bata pa lamang siya ay katulong na sa bahay ng dati nilang amo. Si Antonio daw ay matanda sa kanya ng limang taon at ang trabaho doon ay pag aalaga ng mga tanim, pagpakain ng aso, paglinis ng sasakyan at iba pa. Siya daw ay sa gawaing bahay kasama ang tinatawag na si Manang na matagal na roon at tagaluto ng pagkain. Nang mag graduate na raw siya ng high school ay hindi muna siya pinag aral ng college. Kasi busy daw lagi sa trabaho ang amo nila at palagi pang out of town para daw magkaroon palagi ng tao sa bahay kasi si Manang daw kapag Sabado at Linggo ay umuuwi sa bahay nila. Habang hindi siya nag aaral ay nagkaroon daw sila ng relasyon ni Antonio. Hanggang sa siya ay mabuntis. Paglipas ng ilang buwan na nalaman ng mag asawa nilang amo na siya ay buntis ay nakiusap na sa bahay lang hanggang manganak. At nakiusap sa kanila ni Antonio na pag manganak na ay ampunin nila ang bata dahil wala silang anak na mag asawa.
Nang manganak na raw siya ay inampon ng dati nilang amo ang anak nila ni Antonio. Binigyan raw sila ng malaking halaga ng pera para mamuhay sila bilang mag asawa. Pumayag raw sila ni Antonio dahil naaawa sa amo nila na walang anak at mabait naman sa kanila. Pinaalis raw sila sa bahay ni Antonio kasi kumuha ng bagong katulong at yaya sa anak nila. Ang malaking halaga ng pera raw na binigay ng amo nila ay ginamit nila para may pagkakitaan sa lugar nila Antonio. Nagkaroon din naman sila ng tatlong anak ni Antonio at ang bunso nga ay si Alfonzo. Ang dalawa pa raw na anak ay nag aaral ng high school at wala sa bahay dahil di pa umuuwi. At ang asawa naman niya na si Antonio ay naghahanapbuhay pa kasi driver ng pampasaherong jeep nila.
Nang tanungin ni Marilyn ang ina ni Alfonzo kung ano ang pangalan ng dati nilang amo ay nabigla siya ng sabihin na ang pangalan ay Cezar at Julieta Magbanwa. Halos di makapaniwala si Marilyn sa narinig. Agad ay napaluha siya at niyakap ang tunay niyang ina. Sinabi ni Marilyn ang lahat sa kanyang tunay na ina.
Pag uwi ni Marilyn sa bahay nila ay sakto naroon ang itinuturing niyang magulang. Dahan dahan niyang ikinuwento ang kanyang nalaman. Pagkatapos niyang ikuwento ang lahat ay niyakap siya ng itinuturing niyang magulang at nakiusap na huwag silang iwan. Pumayag naman siya pero minsan ay bibisitahin niya ang tunay niyang magulang at bibigyan ng kung ano na maitutulong sa pamilya at sa mga kapatid niya.
Sa buhay, may mga katanungan tayo na ang kasagutan ay wala sa paligid natin malalaman ang sagot. Mag focus lang tayo sa kung ano ang pinagkakaabalahan natin para mabuhay. Ang kasagutan sa ating mga tanong ay kusa nalang malalaman ng di inaasahan. Kung di man ngayon ay maaaring bukas o sa susunod na mga araw. Huwag lang mawalan ng pag-asa.
Subscribe to:
Posts (Atom)