Friday, October 20, 2017

Growees Food Chain

"Sa buhay minsan lumalapit na lang ang suwerte, hindi na hinahanap."


GROWEES FOOD CHAIN
Ni: Arvin U. de la Peña

Grade four ng tumigil na sa pag-aaral ang batang si Elena, nag iisang anak.Sa halip na maghanda sa sarili para pagpasok sa paaralan ay hinahanda niya ang sarili para sumama sa kanyang magulang. Sa isang malawak na basurahan kasama ng mga iba pang kapus palad ay naghahanap sila ng puwede na maibenta at mapakinabangan. Kapag dumarating naman ang truck ng basura ay nag uunahan sila sa pag halungkat ng basura. Hindi alintana na iyon ay marumi.

Alam ng batang si Elena na iyon ang trabaho ng mga magulang niya. Musmos pang bata ay karga na minsan ng kanyang magulang sa basurahan. Kaya ng malaki-laki na si Elena ay naisipan niyang iyon na rin ang maging trabaho. Sa ganun na paraan ay nakakaraos naman sila.

Kapag tanghali naman ay pumupunta si Elena sa may pinto ng Jollibee o kaya McDonald's para humingi sa mga papasok o lalabas na customer. Minsan ay binibigyan siya ng pera, minsan naman ay hindi. Tuwang-tuwa ang batang si Elena kapag ang lalabas na customer ay binibigay sa kanya ang dalang hamburger.

Kapag nakakakita naman si Elena ng mga magulang na dala ang anak o mga anak sa pagkain sa Jollibee o McDonald's ay nakakaramdam siya ng lungkot dahil hindi pa siya nakakaranas ng ganun dahil mahirap lang sila.

Araw-araw ay iyon ang naging gawain ni Elena mula ng tumigil sa pag-aaral. Nakasanayan na niya ang ganun. Hindi pansin ang paglipas ng mga araw.

Minsan isang araw habang nasa may pinto siya ng Jollibee ng ang lumabas na mag asawa ay bigyan siya ng hamburger. Tinanong siya kung ano ang pangalan at tagasaan. Nang sabihin ni Elena ang kanyang pangalan at saan nakatira sa mag asawa ay nagulat siya ng magsabi kung puwede raw siyang ampunin dahil hindi sila mabiyayaan ng anak dahil ang isa sa kanila ay may diperensya. "Hindi ko alam, ewan sa mga magulang ko," iyon ang naging tugon ng batang si Elena sa mag asawa.

Nagpasama ang mag asawa sa bahay nina Elena. Nakiusap ang mag asawa sa magulang ni Elena na ampunin nila si Elena. Nangako na papag aralin at bibigyan ng magandang buhay. Nangako pa na bawat buwan ay bibisita sila sa kanila. Bibigyan ng cellphone para may komunikasyon at pera para puhunan sa pag negosyo. Pumayag naman ang mga magulang ni Elena dahil naaawa sa mag asawa at para rin naman sa kinabukasan ng kanilang anak ang mangyayari.

Bawat buwan ay bumibisita nga ang mag asawa kasama si Elena sa magulang ni Elena. Nakapagpatayo ng maliit na sari-sari store ang mga magulang ni Elena. Pero ang pagpunta sa basurahan para maghanap ng mapapakinabangan at puwede maibenta ay tuloy pa rin dahil mahal na nila ang gawain na iyon.

Lumipas pa ang maraming taon. Nang makatapos ng kolehiyo si Elena ay nakapagtrabaho agad. Kalaunan ay nakapunta ng Amerika para doon ay mag trabaho. At pagkalipas ng tatlong taon sa pag trabaho sa Amerika ay umuwi siya para mag negosyo.

Ang naisipan ni Elena na negosyo ay parang katulad sa Jollibee at McDonald's. Dahil hindi niya malimutan ang noon ay bata pa siya. Nagtayo si Elena ng GROWEES FOOD CHAIN na kung saan ang hamburger ay masarap talaga.

Sa opening ng GROWEES FOOD CHAIN ay suportado si Elena ng tunay niyang mga magulang at ang nag ampon sa kanya. Tuwang-tuwa sila sa tagumpay na narating ni Elena. 

Kung noong bata pa si Elena ay nasa may pinto siya ng Jollibee o McDonald's para humingi ng pera o dalang pagkain tulad ng hamburger ng lalabas na tao ngayon ay iba na. Si Elena ay nasa harapan ng itinayo niyang GROWEES FOOD CHAIN para mag welcome ng mga tao na papasok para kumain.