Pagkatapos ng bagyong Yolanda ay ngayon pa lang nagkaroon ng internet sa aming lugar. Kaya ngayon pa lang uli ako nakapag blog. Sa mga naging bahagi sa blog ko sa nakalipas na taon ay maraming salamat sa inyo. Maraming salamat sa mga ginawang pagpunta sa blog ko.
SIGNAL NUMBER 5: SUPER TYPHOON YOLANDA
Ni: Arvin U. de la Peña
Naramdaman ko ang lakas ng bagyong Yolanda. Ang hangin niya ay may tunog. Parang sumisipol katulad ng ginagawa ng isang lalaki kapag may dumaraan na magandang babae para mapansin. Samahan pa na parang may ipo-ipo ang hangin. Maging ang mga sementong bahay ay hindi nakaligtas sa bagsik ng bagyo. Napakaraming magandang bahay sa Leyte at Samar na semento ang pagkatapos ng bagyo ay nasira o kaya ay nawalan ng bubong. Ang mga bakal ay nagkayupi-yupi, ang mga yero ay nagliparan. Napakarami ding punong kahoy ang natumba. Ang ibang mga niyon kundi man matumba ay napuputol dahil sa lakas ng hangin. At halos lahat ng puno na hindi natumba ay nawalan ng dahon. Kawawa pati ang mga ibon dahil walang madapuan kapag gabi.
Kung nasira ang mga sementong bahay ay ano pa kaya ang mga bahay na kahoy at pawid lang. Katulad ng bahay namin na kahoy at pawid lang. Ang bahay na kung saan pinalaki kaming magkakapatid ng aming mga magulang ay sinira ng bagyo. Napakaraming bagyo ang pinagdaanan ng bahay namin pero ang bagyong Yolanda lang ang nagwasak. Ang mga ibang bagyo ang pinsala sa bahay namin ay nakukuhaan lang ng pawid. Dahil doon ay puwede pang matirhan dahil madali naman makabili ng pawid. Pero sa bagyong Yolanda ay hindi na talaga puwede pang matirhan. Kailangan ng gumawa ng bagong bahay dahil tumagilid.
Ganunpaman ang bagyong Yolanda ay ayos din para sa akin. Hindi dahil sa marami ang nasawi. Kundi dahil pagkatapos ng bagyo ang lahat ay naging pantay-pantay muna. Mayaman o mahirap ay pansamantalang nagkapantay-pantay. Pagkatapos ng bagyo at ilang araw pa kahit marami kang pera ay walang halaga iyon ay dahil wala kang mabibilhan. Pagkain, gasolina o anu pa. Lalo na sa Tacloban City at kalapit na lugar. Karamihan na tao pumupunta pa sa ibang lugar. Nagbabakasakali ng makabili at pag hindi makabili pupunta sa ibang lugar naman. Dahil din sa bagyong Yolanda ang lahat ay nakaramdam ng takot, mayaman man o mahirap. Kasi kung signal number 1, 2, o kaya 3 lang na bagyo hindi iyon masyadong ramdam ng mga mayaman na nakatira sa sementong bahay lalo na kung maganda talaga ang pagkakagawa. Pero sa bagyong Yolanda ay nakaramdam ng takot dahil ang bubong kung hindi man ilipad ang mga yero ang iba ay bumabagsak kasama ang bakal o kaya ang kahoy na pinagpakuan ng yero.
Kung signal number 1, 2, o kaya 3 lang din na bagyo pagkatapos niyan ay hindi apektado ang mga mayaman. Mamaliitin pa ng ilang mayaman ang mga mahirap lalo na ang mga nakatira sa kahoy at pawid lang na bahay. Iyon ay dahil likas na sa ibang mga Pinoy ang pagiging matapobre. Sa isipan nila ay magsasabi na "kung semento ang bahay niyo at yero ang bubong ay hindi sana matutuluan ng ulan dahil sa bagyo." Ang mga ganun na salita o kahalintulad ay hindi iyon naiisip ng ibang mga mayayaman kung bakit ang bahay ng mahirap ay hindi katulad ng sa kanila. Hindi nakikisalamuha ang mga mayayaman sa mahihirap pagkatapos ng bagyo kung signal number 1, 2, o kaya 3 lang. Binabalewala lang ang mga nasiraan ng bahay. Iyon ay dahil hindi sila nasisiraan ng bahay. Pero sa bagyong Yoalanda nakisalamuha sila lalo na sa paghanap ng mga yero nila na nilipad ng malakas na hangin. Dahil lahat ay apektado ay nagkaroon ng mga pag-uusap. Iyon ang nakaganda pagkatapos ng bagyo. Dahil din sa bagyong Yolanda ang ibang mayayaman ay natuto na pumila o tumanggap ng mga relief goods.
Pantay-pantay tayo ng maisilang. Walang saplot sa katawan. Dapat sa kalamidad na nararanasan at nararamdaman ng bawat isa ay pantay-pantay din. Walang mayaman, walang mahirap.